Calendar
Lopez ininspeksyon MRT-3 Quezon Ave
ININSPEKSIYON ni Transportation Secretary Banoy Lopez kamakailan ang ongoing rehabilitation works na ginagawa sa MRT-3 Quezon Ave. Station para matiyak na mas maayos, komportable at ligtas ang mga komyuter na araw-araw na gumagamit ng rail line.
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng malawakang pagsasaayos ng mga MRT-3 stations para masigurong nasa maayos na kondisyon ang mga istasyon para sa kaginhawaan ng mga pasahero.
Sa kanyang pag-inspeksyon, nakita ni Secretary Lopez ang laki ng pagbabago.
Naging mas maayos, malinis at maaliwalas ang Quezon Ave. Station. Mayroong malinaw at malalaking wayfinders, mas maayos at disenteng palikuran para sa mga pasahero, malawak na mga espasyo, ventilation improvements at platform window louvers.
“Ang utos sa atin ng ating Pangulo, dapat laging maayos at ligtas para sa mga komyuter ang mga MRT-3 stations natin. Gusto natin na pagdating ng pasahero dito, mas madali silang makakasakay, mas madaling mahahanap ang mga exit signs, mas mabilis ang pagbabayad at komportable sila kapag sasakay ng MRT-3,” ani Secretary Lopez.
Kitang-kita at dama naman ng mga pasahero ang isinasagawang improvement works sa istasyon kumpara sa dati nitong kondisyon. Malaki ang maitutulong nito sa pagpapabuti ng serbisyo ng rail line at makaka-engganyo sa mga komyuter at vehicle owners na magcommute na lamang lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng gas at diesel.
“Sa lugar [Quezon Ave. Station] ngayon, mas maaliwalas po siya, tapos nag-improve na yung itsura niya ngayon kesa sa dati.”
“Dito sa new structure dito sa Quezon Ave. Station, mas maganda siya ngayon, mas maaliwalas, malawak at malinis.”
Bago magpunta ng MRT-3 Quezon Avenue, nag-commute ang Kalihim mula sa Commonwealth Avenue papuntang Kamuning sa Quezon City para inspeksyunin ang EDSA Busway Kamuning Station, kasunod ng direktiba ng Pangulo na alamin ang araw-araw na sitwasyon ng mga komyuter at transport hubs.

