Lovi

Lovi ilang beses pinalakpakan sa Guilty Pleasure

Jun Nardo Oct 16, 2024
88 Views

HINDI na kailangang maghubad pa ng Primera Aktresa na si Lovi Poe upang ipadama ang sensuwalidad na damang-dama sa Regal Entertainment movie niya na “Guilty Pleasure.”

Walang dibdib o puwet na ipinakita si Lovi upang mailabas ang kanyang sensuwalidad sa movie na nagkaroon ng premiere night last Tuesday sa SM The Block.

Inangkin kasi ni Lovi ang buong screen at pelikula na ilang beses pinalakpakan ang mga eksena.

Dagdag pa rito ang ganda ng porma niya sa suot na may tema na Filipininana, huh!

Mula sa opening hanggang sa closing ng movie na dinirek ni Connie Macatuno, nagpamalas muli ng galing sa pag-arte si Lovi kahit may maiinit siyang eksena sa mga kaparehang sina JM de Guzman at Jameson Blake na kapwa ring magaling.

Seksing-seksi si Lovi bilang lawyer na laging panalo sa ipinaglalaban na kaso. Hindi nga lang niya naipaglaban ang sariling kaso pero naipanalo niya ito at sa bandang huli ng pelikula ay malalaman kung paano at ano ang resulta, huh!

Magaling ang pagkakasulat ng movie at ang husay ng direksyon ni Macatuno. Well-acted din ng mga bida at support cast ang characters nila.

May pa-bonus pa sina JM at Jameson na parehong nagpakita ng puwet habang kaniig si Lovi, huh!

Showing na sa cinemas nationwide ang pinakamainit na pelikula ng taon, ang “Gulty Pleasure” at talagang masisiyahan at maraming matutunan ang manonood dito.

Manggagawa ng industriya naabutan ng tulong ng gobyerno

PINANGUNAHAN ni Senator Bong Revilla Jr. ang pagdaraos ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) nu’ng Linggo sa Philippine Sports Arena sa Pasig kung saan mahigit 13,000 manggagawa sa industriya ng pelikula, TV at radio ang direkta at agarang naabutan ng tulong ng gobyerno.

Ito ang pinakamalaking convergence caravan sa bansa kung saan 60 ahensiya ng pamahalaan ang nagsama-sama upang maghatid ng lagpas apat na raang programa at serbisyo ng gobyerno.

“Mas ikinatuwa ko ito dahil nakaharap ko ang mga taong malalapit sa akin sa industriya ng radio, TV at pelikula. Mahal na mahal ko sila dahil kung hindi sa kanila, eh, walang Senador Bong Revilla Jr.,” bahagi ng talumpati ni Sen. Bong.

Dagdag pa ng aktor-politiko, “Kahit kailan, hindi ko po maikakaila – parte ako ng industriyang ito at kahit kailanman ay hindi ko mababayaran ang sektor na pinagmulan ko.”

Present din sa BPSF ang mga haligi ng industriya na sina Joey Javier Reyes ng FDCP, Boots Anson-Rodrigo ng Mowelfund, Roselle Monteverde ng Regal Entertainment at mga politikong sumusuporta sa BPSF gaya nina House Speaker Martin Romualdez, Rep. Lani Mercado at iba pa.

Bukod sa financial assistance, may naiuwi ring limang kilong bigas ang mga dumalo at may pa-lunch na, one to sawa pa ang popcorn at hotdog sandwich, huh!

Maraming, maraming salamat!