Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga DENR Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga

Loyzaga binigyang diin halaga ng reskilling, upskilling ng workers sa energy sector

Cory Martinez Oct 4, 2024
95 Views

DAPAT magkaroon ng re-skilling at upskilling ang mga nagtatrabaho sa sektor ng enerhiya at transportasyon upang mabago ang nakasanayan na pagdepende sa paggamit ng conventional energy, ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga.

Sinabi ito ng kalihim sa pagsisimula ng pagbuo ng Just Transition Program na naglalayon na unahing sanayin ang mga nasa sektor ng enerhiya at transportasyon na itinuturing na may malaking kontribusyon sa greenhouse gas emission sa bansa.

Ayon sa datos, 56 porsiyento ng greenhouse gas emission galing sa mga naturang sektor.

Ayon kay Loyzaga, ang kinatawan ng Pangulo sa Climate Change Commission (CCC), ang pagtatag ng naturang programa pakikiisa sa iba pang bansa na nagsusulong ng paglipat sa isang net-zero economy.

Binigyang-diin din ni Loyzaga ang kahalagahan ng pagbawas sa matinding epekto sa mga vulnerable sector habang ipinapatupad ng bansa ang climate response at pagpromote ng sustainable development.

“The transition should focus not only on minimizing the negative impacts on affected sectors but also on equipping our workforce with the necessary skills for emerging opportunities in fields such as renewable and climate-friendly technologies,” paliwanag ni Loyzaga.

Kabilang sa magsasagawa ng Just Transition Program ang DENR, Department of Energy (DOE), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Transportation (DOTr).

Sa pamamagitan ng suporta mula sa Asian Development Bank (ADB), pangungunahan din ng mga naturang ahensya ang konsultasyon sa mga naturang sektor at sa mga rehiyon.

Layunin ng mga konsultasyon na ipaalam sa mga naturang sektor ang pagbuo ng isang National Just Transition Framework at Roadmap na siyang gagabay sa bansa sa paglipat sa low-carbon, sustainable at resilient economy.