Villafuerte

LRay umapela sa Senado na agad talakayin pagiging legal ng cannabis

358 Views

CAMARINES SUR — Gumagawa ng huling apela si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa Senado upang agad na talakayin at ipasa bago matapos ang ika-19 na Kongreso ang House-approved na panukalang batas na naglalayong gawing legal ang paggamit ng non-addictive na strain ng cannabis o marijuana plant bilang mas abot-kayang alternatibong lunas sa mga dumaranas ng kanser at iba pang matinding karamdaman.

“Ito ay isang huling panawagan sa Senado sa pamumuno ni Senate President Chiz Escudero na ipasa na ang panukalang batas na layuning gawing legal ang paggamit ng medical cannabis bilang alternatibong pampaginhawa sa matitinding sakit na dinaranas ng mga Pilipino,” ayon kay Villafuerte, na ngayo’y papalit bilang gobernador ng Camarines Sur.

Sakop ng “debilitating medical conditions” ang kanser, multiple sclerosis, pinsala sa nervous system, glaucoma, HIV, AIDS, PTSD, rheumatoid arthritis, at iba pang karamdaman na itinuturing ng Department of Health (DOH).

Buo pa rin ang pag-asa ni Villafuerte na sa tulong ng pangako ni SP Chiz na bigyang-prayoridad ang mga panukalang batas sa huling linggo ng sesyon, maipapasa ang matagal nang isinusulong na batas para gawing legal ang paggamit ng cannabidiol (CBD) o cannabis oil para lamang sa medikal at therapeutic na layunin.

Nauna nang sinabi ni Escudero na ipinagpaliban sa Hunyo 11 ang pagsisimula ng impeachment laban kay VP Sara Duterte-Carpio upang bigyang-daan ang pagtutok sa mga prayoridad na panukala.

Matagal nang isinusulong ni Villafuerte ang legalisasyon ng medical cannabis mula pa sa ika-17 at ika-18 Kongreso. Noong 2024, naipasa ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 10439. Ang katumbas nitong panukala sa Senado ay Senate Bill 2573 na inakda ni Sen. Robin Padilla, at na-endorso na para sa plenary deliberation ng mayorya ng mga senador sa pamamagitan ng Committee Report No. 210.

“Sa pagpasa ng HB 10439 ng Kamara, ang kinakailangan na lamang ngayon ay ang pag-aksyon ng Senado sa SB 2573 upang maipasa ito at maisumite sa Pangulo para mapirmahan bilang batas bago ang adjournment ng ika-19 na Kongreso sa Hunyo 13,” dagdag ni Villafuerte.

Ipinaliwanag niya na ang CBD ay hindi nakakaadik at naiiba sa THC (tetrahydrocannabinol), ang psychoactive compound sa marijuana na sanhi ng “high.” Ayon kay Villafuerte, napatunayan nang ligtas ang paggamit ng CBD para sa mga pasyente bilang pampawala ng sakit sa mga kondisyon gaya ng epilepsy, multiple sclerosis, at end-stage cancer.

Binanggit din ni Villafuerte na noong Disyembre 2020, muling kinilala ng United Nations Commission on Narcotic Drugs (CND) ang medikal na halaga ng cannabis, alinsunod sa rekomendasyon ng WHO Expert Committee on Drug Dependence, na nagpahayag na ang CBD ay walang potensyal para sa abuse o dependence.

Ayon pa sa kanya, ang medicinal value ng cannabis ay kinilala na rin sa maraming pandaigdigang medical journals gaya ng Harvard Health, JAMA, AAN, BJCP, at iba pa. Napatunayan na rin ng mga ito ang bisa ng cannabis sa pagbabawas ng sintomas ng multiple sclerosis, pagsusuka dulot ng chemotherapy, at pagpapabuti ng gana sa pagkain.

Sa kasalukuyan, nasa 60 bansa na, kabilang ang Australia, Canada, Germany, Israel, at UK, ang legal na ang paggamit ng medical cannabis.

Ayon kay Villafuerte, parehong panukala ng Kamara at Senado ay naglalayong magtatag ng isang Medical Cannabis Office (MCO) upang mangasiwa sa licensing at paggamit ng CBD oil para sa medikal na layunin.

Dagdag pa niya, bukod sa benepisyo nito sa kalusugan, magbubukas din ang batas ng bagong industriya para sa produksyon at kalakalan ng mga CBD products, na may malaking potensyal sa pandaigdigang merkado.

Ngunit nilinaw niya na sa ilalim ng panukalang batas, CBD lamang ang gagawing legal. Mananatili pa rin sa listahan ng dangerous drugs ng Dangerous Drugs Board (DDB) ang marijuana base sa Republic Act 9615.

Pinasalamatan din ni Villafuerte ang dating FDA director-general Dr. Samuel Zacate, na nagpahayag ng pagiging bukas sa medical cannabis. Ani Zacate sa isang briefing sa Malacañang, “Ang medisina ay isang innovation… Ako po ay bukas sa medical marijuana basta ito ay sistemado at hindi makasasama sa publiko.”

Giit ni Villafuerte, masyadong mahal ang mga imported na CBD products kaya hindi ito abot-kaya ng mga mahihirap na Pilipinong pasyente. Sa pamamagitan ng batas, inaasahang magiging mas abot-kaya at accessible ang lunas na ito para sa mga nangangailangan.