Mendoza

LTFRB inaprubahan application sa subsidy para sa modernong jeepney

Jun I Legaspi Nov 22, 2025
275 Views

INAPRUBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aplikasyon ng 25 transport cooperatives para sa subsidy ng pamahalaan sa pagbili ng modernong jeepney sa ilalim ng Public Transportation Modernization Program (PTMP).

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, bahagi ang subsidy ng pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagbutihin ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa, lalo na sa usapin ng accessibility.

Sa kabuuan, 162 modernong jeepney ang madaragdag sa lansangan upang mas mapagsilbihan ang dumaraming bilang ng mananakay.

“Ang aming pagtutok sa mabilis na pagresolba ng mga nakabinbing petisyon ay nakatuon sa pagpapabuti ng kalidad ng serbisyo sa pampublikong transportasyon,” sabi ni Chairman Mendoza.

Ang pag-apruba ay saklaw ng Expanded Equity Subsidy (EES) program ng pamahalaan na layuning tulungan ang maliliit na transport operators na makabili ng modernong jeepney.

Sa pamamagitan ng DOTr, nakikipagtulungan ang LTFRB sa mga pribado at pampublikong institusyong pinansyal upang magbigay ng loan packages na may kalakip na malaking subsidiya mula sa pamahalaan para sa bawat unit na mabibili.