LTFRB ipinatawag 6 bus operators

Jun I Legaspi May 4, 2026
24 Views

IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang anim na bus operator dahil sa hindi pagbibigay ng diskwento sa pamasahe sa ilalim ng service contracting program.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, ang pagpapalabas ng show cause order (SCO) ay bunsod ng paulit-ulit na hindi paggalang ng mga konduktor ng pampasaherong bus sa probisyon ng diskwento sa pamasahe.

Batay sa programa, lahat ng pasahero ay may karapatang tumanggap ng 20% diskwento, habang ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at mga estudyante ay may kabuuang 40% diskwento.

Subalit, lumabas sa mga ulat na hindi ito nasusunod ng ilang konduktor.

“Ito ay pagkakataon para sa kanila na magpaliwanag, at sa panig ng LTFRB, pagkakataon din upang magbigay ng malinaw na mensahe hinggil sa pananagutan sa hindi pagsunod sa patakaran ng diskwento sa pamasahe,” sabi ni Chairman Vigor.

Sa ilalim ng SCO, inatasan ang mga operator na dalhin ang driver at konduktor na sangkot sa reklamo at magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang partisipasyon sa programa.

Bawat operator na ipinatawag ay binigyan ng kopya ng reklamo at ebidensya ng kabiguang magbigay ng diskwento.

Nagbabala si Chairman Vigor na ang sinumang operator na hindi dadalo sa itinakdang pagdinig sa Mayo 18 ay papatawan ng kaukulang parusa.