LTFRB

LTFRB nag-isyu ng 57 SCOs sa mga PUV operators

Jun I Legaspi Feb 6, 2026
241 Views

NAGSUMITE ng show cause orders (SCO) at mga abiso ng paglabag laban sa 57 operator ng mga terminal ng pampasaherong bus at iba pang public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na may kabuuang 135 terminal ng bus at PUV ang na-inspeksyon at karamihan sa mga ito ay napatunayang hindi sumusunod sa mga regulasyon ng ahensya.

Ang mga qualifications sa maayos na terminal ang maayos na waiting areas na may sapat na proteksyon laban sa init at ulan, malinis at gumaganang comfort rooms, accessibility para sa mga nakatatanda at persons with disabilities (PWDs), presensya ng fire extinguishers at CCTV cameras, maluwag na entry at exit points para sa kaligtasan ng mga pasahero.

“Hindi humihingi ang LTFRB ng high-end na bus at PUV terminals. Ang hinihingi namin ay pagsunod sa mga regulasyon na nagtatakda ng mga batayang pasilidad para sa kaginhawahan at kaligtasan ng mga pasahero,” sabi ni Mendoza.

Isang terminal ang pinadalhan ng cease and desist order dahil sa matinding paglabag, habang 20 operator sa Region 10, walo sa Region 7, pito sa Region 2 at anim sa Region 9 at Region 12 ang pinadalhan ng SCO at notipikasyon ng paglabag.

Ang mga hakbang na ito ay bunsod ng mga reklamo at obserbasyon hinggil sa mga sira at hindi maayos na terminal ng PUV.

Sa ilang pagkakataon, napipilitang maghintay ang mga pasahero sa gilid ng kalsada, habang ang iba namang terminal ay walang pasilidad para sa mga nakatatanda at PWDs.

Pinakamatindi ang mga terminal na walang gumaganang comfort rooms at ang ilan ay naniningil pa sa paggamit nito.

“Kailangan naming kumilos at ipatupad ang aming mandato upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at kaginhawaan ng mga mananakay,” sabi ni Mendoza.

Inatasan din niya ang lahat ng Regional Directors ng LTFRB na gawing institusyonal ang pagsasagawa ng mga biglaang inspeksyon upang mapilit ang mga operator na sumunod sa regulasyon.

Saklaw ng inspeksyon hindi lamang ang mga bus terminals kundi pati na rin ang mga UV Express at jeepney terminals. Lahat ng Regional Offices ay inatasang magsumite ng regular na inspection reports upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagsunod.