Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Xyriel

LTFRB naglabas ng SCO sa nambastos na driver

253 Views

Xyriel1NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa driver ng ride-hailing service na nag-post ng hindi angkop na nilalaman sa social media tungkol sa starlet na si Xyriel Manabat.

Tiniyak ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor Mendoza II na pananagutin ang naturang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver sa ginawa niyang sexual harassment.

“Walang babae ang nararapat tratuhin nang ganito. Ito ang dahilan ng ating Bawal Bastos campaign at ito rin ang magsisilbing batayan upang papanagutin ang TNVS driver na ito,” ani Chairperson Mendoza.

“Bilang paunang aksyon ng LTFRB, sinuspinde na namin ang operasyon ng TNVS na ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon,” dagdag ng hepe ng LTFRB.

Ang insidente ay nag-ugat sa social media post ni Xyriel Manabat matapos hingin ng driver ang isang litrato kasama siya—na kalaunan ay in-upload ng driver na may hindi angkop na nilalaman.

Nagalit ang aktres at nangakong pananagutin ang driver.

Sa SCO, natasan ang driver na sumailalim sa mandatory drug test at isumite ang plaka at iba pang dokumento kaugnay sa kanyang prangkisa.

“Ang Land Transportation Office (LTO) Enforcement Division, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), at iba pang ahensya ay inaatasang hulihin at i-impound ang unit kung ito ay makikitang bumibiyahe bilang pampublikong sasakyan,” nakasaad sa SCO.

Naipasa na ng LTFRB sa mga naturang ahensya ang lahat ng detalye kaugnay sa TNVS unit.

Inatasan din ang driver na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng SCO kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanyang prangkisa kaugnay sa insidente.

Isasagawa ang pagdinig sa Abril 28 kung saan bibigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag bilang bahagi ng due process.

“Ang hindi pagdalo ng Respondent TNVS operator/driver sa pagdinig at ang hindi pagsusumite ng sagot ay ituturing na pag-waive ng kanyang karapatan at magreresulta sa multang P5,000,” nakasaad sa SCO.