Calendar
LTO binawi 984 driver’s license ng pasaway, viral na mga motorista noong 2024
HALOS 1,000 driver’s license ng mga “pasaway” na motorista ang ni-revoke ng Land Transportation Office (LTO) noong 2024 dahil sa iba’t ibang paglabag, karamihan dito ay kaugnay ng pagmamaneho habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, kabilang sa mga binawing lisensya ang sa mga driver na sangkot sa mga viral video na na-monitor ng social media team ng ahensya o nai-report ng mga netizen sa LTO.
“May kabuuang 984 na lisensya ang binawi sa 2024. Lahat po ng mga ito ay dumaan sa tamang proseso ng due process,” ani Asec Mendoza.
“Bahagi rin ito ng ating agresibong kampanya para maipatupad ang disiplina at responsableng pagmamaneho bilang suporta sa adbokasiya sa kaligtasan sa kalsada ng ating DOTr Secretary Jaime J. Bautista,” dagdag niya.
Batay sa datos ng LTO, sinabi ni Asec Mendoza na 736 na lisensya ng driver ang binawi dahil sa mga paglabag sa Republic Act 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act), kabilang na rito ang pagmamaneho habang lasing, paggamit ng ilegal na droga o substansya, at pagtangging sumailalim sa mandatory alcohol test sa insidente ng aksidente sa kalsada.
Bukod dito, 130 lisensya ng driver ang binawi dahil sa paglabag sa RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, partikular sa mga kwestyonableng paraan ng pagkuha ng lisensya.
Samantala, 94 lisensya ang binawi dahil sa paglabag sa mga probisyon ng RA 10930, ang batas na nagpapalawig ng bisa ng lisensya ng driver.
Kabilang sa mga paglabag ang pagkakaroon ng dobleng lisensya, pekeng dokumento, at pandaraya sa pagsusulit.
Dagdag pa rito, 24 na lisensya ang binawi dahil sa mga viral video sa social media at iba pang reklamo na isinampa sa LTO Central Office.
“Umaasa kami na ngayong taon ay mabawasan, o mas mabuti sana’y wala nang mga kasong administratibo na hahantong sa pagbawi ng lisensya dahil layunin ng LTO na maitaguyod ang pagiging responsable at disiplinado ng lahat ng motorista habang gumagamit ng ating mga kalsada,” pahayag ni Asec Mendoza.
“Ngunit magsilbing babala rin ito na handang suspendihin o bawiin ng LTO ang anumang lisensya kung kinakailangan para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada. Kaya magtulungan po tayo,” dagdag pa niya.
Naunang iniulat ng LTO na umabot sa 639,323 motorista ang nahuli sa iba’t ibang paglabag, habang 29,709 na sasakyan naman ang nakumpiska noong 2024.