Truck

LTO binawi lisensya ng driver na nagpositibo sa iligal na droga

Jun I Legaspi Jun 5, 2025
42 Views

SA utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa mga pasaway na motorista, binawi ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng truck driver na sangkot sa aksidente sa Quezon City noong Mayo 28.

Binawi ang lisensya ng driver matapos magpositibo sa mandatory drug test na isinagawa kaugnay ng aksidenteng ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng ilan pang motorista sa Batasan-San Mateo Road sa Brgy. Batasan Hills.

“Bukod sa revocation, tuluyan na ring na-disqualify ang truck driver sa pagkuha ng driver’s license,” sabi ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza II.

“Paalala rin ito na ang pagkakaroon ng lisensya isang pribilehiyo na maaaring bawiin anumang oras kapag hindi tinupad ang tungkulin ng pagiging responsableng driver,” dagdag pa niya.

Batay sa ulat, iginiit ng truck driver na nawalan ng preno ang kanyang minamanehong truck habang binabagtas ang Batasan-San Mateo Road.

Dahil dito, nawalan siya ng kontrol sa manibela kaya sumampa ang trailer sa center island at sinalpok ang ilang sasakyan.

Negatibo ang resulta ng kanyang alcohol test, subalit positibo naman ang drug test sa paggamit ng iligal na droga, partikular ang shabu.

“Mahigpit ang bilin ng ating DOTr Secretary Vince Dizon na walang second chance sa mga driver na gumagamit ng iligal na droga, kaya zero-tolerance tayo dito,” ani Asec. Mendoza.