Calendar

LTO chief nagpasalamat kay PBBM
NAGPASALAMAT si Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagpapatibay ng pitong batas na magpapabuti sa serbisyo ng ahensya para sa mamamayang Pilipino.
Sa isang liham na ipinadala kay Asec Mendoza, ipinabatid ng Tanggapan ng Pangulo ang mga bagong kautusang naglalayong palawakin at pagbutihin ang operasyon ng pitong opisina ng LTO sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Kabilang dito ang pagtatatag ng LTO District Office sa Liloy, Zamboanga del Norte; District Office sa Cordova at Consolacion, Cebu; at District Office sa Pandan, Antique.
Nilagdaan din ni Pangulong Marcos ang batas na nagko-convert sa Las Piñas City Licensing Center bilang isang regular na LTO Licensing Center, pati na rin ang pagsasailalim ng Rosales, Pangasinan District Office sa Class A LTO office, at ang pag-convert ng LTO Extension Office sa Burgos, Ilocos Norte bilang isang ganap na District Office.
Ipinaliwanag ni Asec Mendoza na ang pagsang-ayon ng Pangulo may kaakibat na pondo para sa pagpapabuti ng mga pasilidad at iba pang gastusing operasyonal at administratibo ng mga nasabing opisina.
“Sa ngalan ng buong hanay ng LTO, ipinaaabot ko ang aming taos-pusong pasasalamat sa kagandahang-loob ng ating Pangulong Bongbong Marcos sa pagpapalakas ng aming serbisyo para sa mamamayang Pilipino. Malaking tulong ito sa ating layunin na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa publiko sa ilalim ng Bagong Pilipinas,” ani Asec Mendoza.
Ayon kay Asec Mendoza, patuloy na binibigyang-prayoridad ang pagpapalawak at pagtatayo ng mas maraming tanggapan ng LTO upang mapagaan ang gastusin at oras na ginugugol ng publiko sa paglalakbay patungo sa malalayong lugar para sa pag-renew ng lisensya, rehistro ng sasakyan, at iba pang transaksyon sa ahensya.
Dagdag pa niya, sinusuportahan ito ng mas pinaigting na digitalisasyon upang mas mapabilis at gawing mas maginhawa ang mga transaksyon sa ahensya.