Calendar

LTO chief: Problema sa plaka malulutas ngayong ’25
SINIGURO ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na matutugunan na ngayong 2025 ang matagal nang problema sa backlog ng mga plaka na nakaapekto sa milyun-milyong motorista.
Nagpahayag ng pasasalamat si Asec. Mendoza kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince B. Dizon s suporta sa LTO at pagtugon sa hamon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na gawing mas magaan ang buhay ng mga Pilipinong motorista.
“Mula sa unang araw ng kanyang panunungkulan bilang kalihim ng DOTr, patuloy na ang aming koordinasyon kay Secretary Dizon,” ani Asec. Mendoza.
Sa ilalim ng pamumuno ni Asec. Mendoza, naresolba na ang pangunahing suliranin sa suplay ng plastic cards para sa pag-imprenta ng driver’s license at ang special paper na ginagamit para sa Official Receipt/Certificate of Registration.
Hinarap din niya ang problema sa backlog ng mga plaka na umabot sa mahigit 13 milyon para sa mga sasakyan at motorsiklo.
Bagamat naresolba na ang backlog sa plaka ng mga sasakyan, nananatili ang backlog para sa motorsiklo na unti-unti nang inaaksyunan ng LTO.
Nauna nang tiniyak ni Secretary Dizon ang kanyang pangako na gawing mas magaan at kumportable ang biyahe ng mga motorista at commuters.