Vigor D. Mendoza II LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II

LTO, DMW ilulunsad pilot ng pag-renew ng.lisensya ng OFWs sa Taiwan

Jun I Legaspi Sep 18, 2024
124 Views

ILULUNSAD ng Land Transportation Office (LTO), sa pakikipagtulungan sa Department of Migrant Workers (DMW), ang pilot implementation ng digital na proseso sa pag-renew ng lisensya para sa OFWs sa Taiwan sa darating na Setyembre 21 at 22.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pilot implementation ay magbibigay ng benepisyo sa halos 400 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan—200 slots sa Taichung at 200 pa sa Kaohsiung sa susunod na araw.

“Maisasakatuparan na natin ang bilin ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, na dalhin sa ibang bansa ang ating digital services para sa kapakanan ng ating mga kababayang OFWs,” ani Assec Mendoza.

“Hindi na kailangang maghintay pa ng pag-uwi sa Pilipinas ang ating mga kababayang OFWs para mai-renew ang kanilang mga lisensya dahil pwede na nila itong gawin malapit sa kanilang mga pinagta-trabahuhan at tinutuluyan sa Taiwan,” dagdag niya.

Sinabi ni Assec Mendoza na ang online service ng LTO ay resulta rin ng kasunduang nilagdaan ng LTO at DMW, sa pamamagitan ni Secretary Hans Leo Cacdac, upang makabuo ng proyekto na layong gawing mas madali at mabilis ang proseso ng pag-renew ng lisensya ng mga OFW sa pamamagitan ng isang online na proseso.

Dagdag ni Assec Mendoza, layunin ng pilot implementation na subukan ang sistema at mangalap ng feedback mula sa mga OFWs upang matukoy ang anumang posibleng aberya.

Sinabi rin niya na ang Manila Economic and Cultural Office (MECO), na siyang host ng service mission, ay nagsagawa na ng pre-screening sa mga aplikanteng OFWs batay sa mga kinakailangang dokumento.

Sa pag-renew ng lisensya, ang mga kinakailangan ayon kay Assec Mendoza ay:
• Lisensyang mag-e-expire sa loob ng animnapung (60) araw, o nag-expire na sa loob ng dalawang (2) taon mula sa petsa ng expiration, at walang kailangang baguhin sa rekord bago mag-renew
• Active LTMS (tinutukoy din bilang “LTO Portal”) account na may biometric profile ng OFW
• Online CDE certification mula sa LTO Portal
• Medical certificate mula sa isang LTO-accredited telemedical facility
• Stable na internet connection
• Smartphone na may Apple AppStore o Google Play Store

Kapag nabayaran na ng OFW ang kanyang lisensya, ipi-print ng LTO ang kanyang license card at aabisuhan siya kapag handa na ang card para sa shipping.

Dito magsisimula ang OFW na magpatuloy ng delivery ng kanyang license card sa pamamagitan ng courier na kanyang napili (DHL o FedEx), at makukuha niya ang kanyang lisensya.

“The transaction time to complete the renewal process can be completed in as fast as one (1) hour provided that the OFW has applied coinciding the office hours of LTO, comparable to the total processing time of a walk-in applicant as cited in the Citizen’s Charter,” ani Assec Mendoza.

Dagdag pa rito, sa pagsusulit, mas inirerekomenda na gumamit ng mas malaking device gaya ng laptop o tablet para sa tamang pagsasagawa ng pagsusulit. Sa aktwal na telemedical exam, tumatagal ng humigit-kumulang sampung (10) minuto ang pagsusulit.

“From the initial application of the OFW until the delivery of his license card to his appointed foreign address in Taiwan for this launch, the total process can take anywhere from 3-5 days,” ani Assec Mendoza.

Pahayag ni Assec Mendoza, ang digital services ng LTO ay palalawakin pa sa ibang bahagi ng mundo sa lalong madaling panahon, partikular sa Middle East, Estados Unidos, at Europa.