Calendar
LTO execs ready mag-commute 1 beses kada linggo
TINIYAK ng Land Transportation Office (LTO) na susunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez na magko-commute kahit isang beses kada linggo ang mga opisyal ng kagawaran upang makabuo ng mga hakbang para sa pagpapabuti ng sistema ng transportasyon.
“Buong puso naming tinatanggap sa LTO ang kautusang ito mula sa ating kalihim at itinuturing namin itong isang back to basic policy na maglalapit sa mga opisyal ng DOTr sa tunay na kalagayan ng pampublikong transportasyon,” sabi ni LTO chief Asec. Vigor Mendoza II.
“Tinitiyak namin kay Secretary Lopez ang aming buong suporta at pagsunod, kabilang na ang pagbibigay ng obserbasyon at rekomendasyon para sa ikabubuti ng transportasyon sa bansa,” dagdag pa niya.
Batay sa kautusan, lahat ng mataas na opisyal ng DOTr at mga attached agencies nito ay inatasang sumakay sa mga pampublikong sasakyan gaya ng bus, jeep, at iba pang mass transportation kahit isang beses sa isang linggo.
Sa LTO, saklaw ng kautusan mula sa LTO chief hanggang sa mga assistant regional directors.
Dagdag ni Asec. Mendoza, naipasa na ang kautusan sa mga kinauukulang opisyal, ngunit maglalabas pa ang LTO ng karagdagang kautusan upang isama rin ang mga pinuno ng district offices at satellite offices.
“Magandang karanasan ito para sa lahat, at sa pamamagitan nito ay umaasa kaming makabubuo ng mga pinakamainam na hakbang para sa pagpapabuti ng pampublikong transportasyon sa bansa,” pahayag ni Asec. Mendoza.

