Mendoza

LTO isinusulong reporma sa patakaran ng insurance sa sasakyan

Jun I Legaspi Jan 29, 2025
34 Views

ISINUSULONG ngayon ng Land Transportation Office (LTO), sa mahigpit na pakikipag-ugnayan sa Insurance Commission, ang mas pinaigting na reporma sa mga patakaran ng insurance sa sasakyan, partikular sa Comprehensive Third Party Liability (CTPL).

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nagkaroon sila ng dayalogo kasama ang grupo ni Insurance Commission head Atty. Reynaldo Regalado noong Martes, Enero 28, kung saan napagkasunduan ang agarang pangangailangan ng reporma sa polisiya, lalo na matapos ang insidente ng truck sa Katipunan Flyover sa Quezon City noong nakaraang buwan na nagresulta sa pagkamatay ng apat na tao at pagkasugat ng mahigit 20 iba pa.

Sa naturang pagpupulong nina Asec Mendoza at mga opisyal ng Insurance Commission, natalakay ang matagal na proseso bago mailabas ang insurance claims para sa CTPL.

Sa karamihan ng mga kaso, sinabi ni Asec Mendoza na hindi na ito kinukunsidera ng mga motorista sa oras ng aksidente, dahilan upang maniwala silang wala itong silbi kahit na bahagi ito ng kinakailangang bayaran sa pagrerehistro at pag-renew ng sasakyan.

“Ang karaniwang paniniwala ay walang silbi ang CTPL. Dumating na tayo sa puntong hindi na ito binibigyang halaga, kaya’t nagbabayad na lang ang mga may-ari ng sasakyan dahil kailangan ito sa pagrerehistro at pag-renew,” ani Asec Mendoza.

“Sa patnubay ng ating DOTr Secretary Jaime J. Bautista, nais naming baguhin ang pananaw na ito ng mga may-ari ng sasakyan, gusto naming maging kapaki-pakinabang ito,” dagdag niya.

Sa pagpupulong, inilahad ni Asec Mendoza na dalawang mahahalagang isyu ang natalakay.

Una, ang pangangailangan na itaas ang benepisyo sa mga biktima ng aksidente sa kalsada.

Sa kaso ng aksidente sa Katipunan Flyover noong nakaraang buwan, P200,000 lamang ang naibigay para sa lahat ng biktima—ibig sabihin, ang halagang ito ay kailangang hatiin sa apat na nasawi at mahigit 20 nasugatan.

Para kay Asec Mendoza, napakaliit ng halagang ito upang matustusan ang gastusin para sa mga nasawi, gayundin ang pagpapagamot at pagpapaospital ng mga nasaktan.

Sa isang press briefing sa LTO Central Office nitong Miyerkules, Enero 29, sinabi ni Pasang Masda President Obet Martin na nagpadala na sila ng liham sa Insurance Commission noong nakaraang taon upang hikayatin ang pagtaas ng benepisyo sa ilalim ng CTPL.

Binanggit naman ni Asec Mendoza na bahagi ng kanilang talakayan sa Insurance Commission ang paghahanap ng paraan upang mapataas ang benepisyo nang hindi nito pinapataas ang premium sa puntong hindi na ito kayang bayaran ng karaniwang may-ari ng sasakyan.

Tinalakay rin ang mungkahi ni Senador Raffy Tulfo na isama ang property damage sa CTPL coverage.

Ang isa pang mahalagang isyung natalakay, ayon kay Asec Mendoza, ay ang bilis ng paglabas ng insurance payment.

“Kapag may aksidente, ang laking tulong kapag may agad agad na assistance coming from the insurance provider kase timing is everything sa aksidente. Importante na madala agad sa ospital ang biktima kaya mahalaga ang immediate assistance. Ang laking bagay na nito compared sa mag-iisip ka pa kung daan kukunin ang pera na pambayad sa ospital,” paliwanag ni Asec Mendoza.

Para sa mga may-ari ng sasakyan na walang sapat na pera para sa biglaang gastusin, binigyang-diin ni Asec Mendoza na mahalaga ang agarang tulong mula sa insurance provider sa oras ng aksidente.

“Kaya ito ang sinusubukan naming ayusin sa pamamagitan ng pagsusuri sa kasalukuyang mga polisiya upang higit pa itong mapaganda, na ang pangunahing layunin ay mapabilis ang pagbibigay ng assistance mula sa mga insurance provider,” aniya.

Bilang bahagi ng solusyon, iminungkahi rin ni Asec Mendoza ang pagtatatag ng isang hotline na maaaring tawagan ng mga motorista para sa insurance-related concerns sa oras ng aksidente.

Samantala, pinuri rin ni Asec Mendoza ang Sterling Insurance para sa pagpapalabas ng P200,000 na bayad sa may-ari ng trak na nasangkot sa aksidente sa Katipunan Flyover noong nakaraang buwan.

Nagpahayag naman ang kinatawan mula sa Hermano Oil Manufacturing and Sugar Corporation ng kanilang hangaring maglaan ng karagdagang pondo upang matulungan ang mga biktima.