SCO Source: LTO file photo

LTO nag-issue ng 24 SCOs sa mga pasaway na truckers

Jun I Legaspi Dec 22, 2024
58 Views

DALAWAMPU’T apat na Show Cause Orders (SCOs) ang inisyu ng Land Transportation Office (LTO) sa 24 rehistradong may-ari ng mga trak na may mga kalbong gulong bilang bahagi ng pinaigting na kampanya upang masiguro ang maayos na kondisyon ng mga trak na bumibiyahe.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagpapalabas ng SCO resulta ng operasyon ng mga tauhan ng ahensya kung saan natuklasan na ang 24 trak gumagamit ng mga depektibong gulong.

“Napansin namin na may mga may-ari ng trak na tila binabalewala ang kaligtasan sa kalsada.

Sa aming agresibong kampanya, isa sa mga karaniwang paglabag ang paggamit ng sirang gulong na napakadelikado hindi lamang para sa mga drayber ng trak kundi pati na rin sa iba pang gumagamit ng kalsada,” pahayag ni Mendoza.

Sa mga SCOs na pirmado ni LTO-Law Enforcement Service Director Eduardo de Guzman, inatasan ang lahat ng may-ari ng mga nahuling trak na dalhin ang kanilang mga sasakyan sa pinakamalapit na LTO office para sumailalim sa roadworthiness inspection.

Kinakailangan din nilang magsumite ng written at notarized explanation kung bakit hindi sila dapat kasuhan sa paglabag sa Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code dahil sa paggamit ng sirang gulong.

Lahat ng trak na binigyan ng SCO inilagay sa alarma hangga’t hindi sila nakatutupad sa kautusan para sa inspeksyon ng sasakyan.

Nauna nang iniutos ni Mendoza sa mga tauhan ng LTO na lalo pang paigtingin ang kampanya laban sa mga trak na lumalabag sa mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada kasunod ng aksidente sa Katipunan flyover na apat ang nasawi at mahigit 20 ang nasugatan.

“Nais naming bigyan ng babala ang lahat ng drayber at operator ng trak na sumunod sa batas dahil buhay at kaligtasan ng mga gumagamit ng kalsada ang nakataya rito,” ayon kay Mendoza.