Calendar

LTO naglabas ng SCO sa may-ari, driver ng sedan na sangkot sa viral pag-transport ng aso
NAGLABAS ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at sa driver ng isang sedan na sangkot sa umano’y di-makataong transportasyon ng isang aso, matapos mag-viral ang video nito sa social media.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang SCO ay ipinadala na sa rehistradong may-ari ng Mitsubishi Mirage, isang residente ng Cavite, upang makuha ang kanyang panig kaugnay ng insidente na kinondena ng mga netizen at mga grupong tagapagtanggol ng hayop.
Sa imbestigasyong ito, aalamin natin kung ang sasakyan ay minamaneho ng rehistradong may-ari o ng ibang tao noong naganap ang insidente,” ani Asec. Mendoza.
Batay sa social media monitoring report ng LTO, ang video ay unang ini-upload sa Facebook ng Animal Kingdom Foundation. Makikita rito ang isang aso na inilagay sa bukas na trunk habang ang sasakyan ay tumatakbo sa pampublikong kalsada.
Sa SCO na nilagdaan ni LTO-Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante inatasan ang rehistradong may-ari na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa mga regulasyon kaugnay ng kaligtasan sa kalsada.
Posibleng Paglabag:
Reckless Driving (Sec. 48 ng **R.A. No. 4136**)
– Improper Person to Operate a Motor Vehicle (Sec. 27 ng R.A. No. 4136)
Parusa; Posibleng pagkansela ng lisensya sa pagmamaneho.
Nauunawaan namin ang mga alalahanin ng netizens at ng Animal Kingdom Foundation kaugnay ng insidenteng ito. Hindi lang ito tungkol sa karapatan ng hayop, kundi pati na rin sa kaligtasan sa kalsada,”ani Asec. Mendoza.
Dagdag pa niya, iniimbitahan ng LTO ang mga kinatawan mula sa Animal Kingdom Foundation at Philippine Animal Welfare Society (PAWS) upang ipahayag ang kanilang panig sa unang pagdinig na nakatakda sa Mayo 13 sa LTO Central Office.
Umaasa rin ang LTO na ang pagdinig ay magbibigay ng mahahalagang impormasyon at gabay kung paano maayos at ligtas na mag-transport ng mga alagang hayop.