LTO

LTO naglabas ng SCO sa may-ari ng van sa viral na counterflow

Jun I Legaspi Jan 3, 2025
39 Views

NAGLABAS ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng isang van matapos makuhanan ang driver nito sa isang viral na video na nagka-counterflow sa Quezon City at nang-asar pa sa iba pang motorista habang nilalabag ang mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang paglalabas ng SCO ay layuning matukoy ang driver ng nasabing van. Naipadala na rin ang summon sa rehistradong may-ari ng Toyota Hiace Commuter na may plate number UVE 914 sa kanyang address sa Novaliches, Quezon City.

“Matinding pambabastos ng ginawa ng driver hindi lang sa batas kundi pati na rin sa kapwa niya motorista. HIndi natin hahayaan na hindi mapanagot ang pagiging abusadong driver nito,” mariing pahayag ni Asec Mendoza matapos mapanood ang video na ipinadala ng LTO social media monitoring team.

Batay sa paunang resulta ng imbestigasyon, nangyari ang insidente noong Disyembre 30 sa Quirino Highway sa Barangay Baesa, Quezon City.

Sa viral na video, makikita ang sasakyan na humaharang sa daraanan ng iba pang motorista, habang nagpapakita ng reckless behavior, kabilang na ang pang-aasar sa mga kasabay na motorista.

Sinabi ni Asec Mendoza na inutusan na ang rehistradong may-ari na humarap sa LTO Central Office sa Enero 9 at magsumite ng isang nakasulat at notaryadong paliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa.

Kabilang sa mga paglabag ang Employing Reckless Driver (Para. 7., Title IV, ng DOTC JAO 2014-01).

Samantala, inatasan naman ang itinalagang driver na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng Obstruction of Traffic (Sec. 54 ng RA 4136) at Reckless Driving (Sec. 48 ng R.A. 4136), at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle kaugnay ng insidenteng nabanggit, alinsunod sa Sec. 27(a) ng R.A. 4136.

“Ang kabiguang humarap at magsumite ng nakasulat na paliwanag ayon sa kinakailangan ay ituturing ng Opisina na isang pagbwaksi sa inyong karapatan na marinig, at ang kaso ay desisyunan base sa mga ebidensiyang hawak,” ayon sa SCO na nilagdaan ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) head na si Renante Melitante.