lto

LTO naglunsad ng refresher course para sa enforcers

Jun I Legaspi Mar 29, 2025
47 Views

SINIMULAN ng Land Transportation Office (LTO) ang refresher training program para sa lahat ng enforcers upang mabigyan sila ng pinakabagong kaalaman sa tamang pagpapatupad ng mga batas at regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang unang batch ng refresher course dinaluhan ng mga enforcers mula sa central office at National Capital Region.

“Ang inisyatibong ito nagsisiguro na ang ating mga tauhan sa LTO laging may sapat na kaalaman, kagamitan at kakayahan sa pagtupad ng kanilang tungkulin,” sabi ni Mendoza.

Tinawag na Retooling Training Program, ang pagsasanay idinisenyo upang magbigay ng komprehensibong refresher at pagpapahusay ng kasanayan para sa lahat ng Law Enforcement Personnel ng LTO sa buong bansa.

Ang layunin ng programa palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga enforcer ng LTO sa pagpapatupad ng Republic Act No. 4136 (Land Transportation and Traffic Code) at iba pang kaugnay na batas at regulasyon sa transportasyon, partikular ang RA No. 8750 (Seat Belts Use Act of 1999) at RA No. 11229 (Child Safety in Motor Vehicles Act).

“Kabilang din sa retooling training program ang mga alituntunin at pamamaraan sa pag-inspeksyon ng mga sasakyan, pati na rin ang tamang protocol sa pagsasagawa ng law enforcement operations,” ani Asec Mendoza.

Iniutos ni Mendoza ang pagsasagawa ng refresher training program matapos mag-viral ang isang insidente sa Bohol na kinasasangkutan ng isang motorcycle rider at ilang enforcer ng LTO.

Kasunod nito, iniutos ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon ang pagtatanggal sa limang personnel ng LTO na sangkot sa insidente at nagpahayag ng suporta sa utos ni Asec Mendoza na magsagawa rin ng moral at spiritual training program para sa lahat ng tauhan ng ahensya.

“Ang pagsasagawa ng retooling training program patunay na sensitibo ang LTO sa mga rekomendasyon ng ating mga kababayan at sa utos ng ating DOTr Secretary na patuloy na pagbutihin ang serbisyo sa mga Pilipino,” ayon sa opisyal.