Calendar

LTO ni-raid 3 shop na nag-sasaayos, nag-aangkat ng right hand sasakyan
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tugisin ang mga lumalabag sa kaligtasan sa kalsada, sinalakay ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at sa tulong ng lokal na pulisya at mga tauhan ng pamahalaang lungsod ng Davao, ang tatlong auto surplus shops na sangkot sa ilegal na pag-aangkat at pagsasaayos ng mga sasakyang nasa kanan ang manibela.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, isinagawa ang operasyon laban sa tatlong surplus shops noong Mayo 21 batay sa mga kumpirmadong ulat ng ilegal na pag-aangkat at pag-aayos ng mga right-hand drive na sasakyan sa bansa.
“Bahagi ito ng tuloy-tuloy nating operasyon matapos ang isinagawa nating raid sa Quezon City noong nakaraang buwan laban sa ganitong uri ng ilegal na gawain. Patuloy ang imbestigasyon at magsasampa tayo ng kaukulang kaso,” ani Asec. Mendoza.
Batay sa inisyal na resulta ng imbestigasyon, walang accreditation mula sa LTO bilang importer, rebuilder, o dealer ng right-hand drive na mga sasakyan ang tatlong auto surplus shops sa Davao City.
Gayunpaman, kinumpirma ng intelligence reports na ang mga empleyado ng nasabing tindahan ay nagsasagawa ng backyard rebuilding ng mga right-hand drive na sasakyan.
“Ang pag-aangkat ng mga right-hand drive na sasakyan ay labag sa batas,” ani Asec. Mendoza, na tinukoy ang Republic Act 8506 o An Act Banning the Registration and Operation of Vehicles With Right-Hand Steering Wheel in any Private or Public Street, Road or Highway.
Ayon sa batas, “Ipinagbabawal sa sinumang tao ang mag-angkat, magpasimula ng pag-aangkat, magparehistro, magpasimula ng pagpaparehistro, gumamit, o magpatakbo ng sasakyang may manibela sa kanan sa alinmang lansangan, daan, o highway, pribado man o pag-aari ng pamahalaan, pambansa man o lokal.”
Sa isinagawang raid, kumpiskado ng mga tauhan ng LTO — sa tulong ng Philippine National Police territorial forces at Highway Patrol Group, at mga inspector mula sa Davao City Business Bureau — ang 42 na right-hand drive na sasakyan sa imbakan ng 3 surplus shops.
Iniulat na rin ng LTO Region 11 Director na si Ernesto Raphael Robillo sa pamahalaang lungsod ng Davao ang rekomendasyon na isailalim sa administrative sanctions ang tatlong surplus shops.