Huli

LTO pinalakas kampanya vs di ligtas na truck sa kalsada; 262 sasakyan huli

Jun I Legaspi Jan 22, 2025
9 Views

UMABOT sa 262 truck ang nahuli dahil sa paggamit ng pudpod na gulong at iba pang paglabag sa mga regulasyon sa kaligtasan sa kalsada habang pinalalakas ng Land Transportation Office (LTO) ang mga operasyon laban sa mga hindi ligtas na truck sa kalsada.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, isinagawa ito simula noong Disyembre ng nakaraang taon, kasunod ng malagim na aksidente sa Katipunan flyover kung saan isang truck ang bumangga sa ilang sasakyan na nagresulta sa pagkamatay ng apat na tao at pagkasugat ng mahigit 24 iba pa.

Nauna nang pinaigting ng LTO ang presensya ng mga enforcer nito sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, partikular ang regular na ruta ng mga delivery truck, na bahagi ng road safety campaign ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista.

Kabilang sa pinaigting na kampanya ang patakaran na mag-deploy ng mga enforcer ng LTO mula sa gabi hanggang madaling araw, kung kailan karaniwang inaalis ang truck ban lalo na sa mga urban area.

“Aabot na sa kalahati ng mga nahuli ang naisyuhan namin ng show cause orders, at magpapalabas pa kami ng iba pang SCOs para sa natitira. Ang mga SCO ay nakatuon sa parehong driver at rehistradong may-ari ng mga pasaway na truck,” ayon kay Asec Mendoza.

Sa mga operasyon mula noong Disyembre, ang mga karaniwang paglabag ng mga hinuling truck ay overloading at paggamit ng pudpod na gulong.

Pinaalala ni Asec Mendoza na ang overloading at paggamit ng pudpod na gulong ay lubhang mapanganib at nagdudulot ng banta sa buhay ng lahat ng gumagamit ng kalsada.

“Patuloy naming imo-monitor ang pagsunod ng mga truck owner at driver sa mga regulasyon sa kaligtasan sa kalsada. Kaya sa mga driver at may-ari ng mga pasaway na truck na ito, huwag ninyong hintayin na mahuli kayo dahil siguradong patong-patong na problema ang kakaharapin ninyo,” ani Asec Mendoza.