LTO

LTO pinatupad 90-day suspension sa lisensya ng drival na nag-viral sa Taguig

Jun I Legaspi Aug 30, 2024
105 Views

LTO1IPINATUPAD na ng Land Transportation Office (LTO) ang 90-day preventive suspension sa lisensya ng driver na binangga ang kotse ng enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Taguig noong Agosto 27 na naging viral sa mga social media.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang preventive suspension ng lisensya ng driver bahagi ng imbestigasyon base sa reklamo na isinumite ni MMDA Acting Chairperson Atty. Romando Artes.

“Hindi lang po preventive suspension, nilagay na rin po natin sa alarma ang pulang Hyundai Stargazer (NHF588) habang isinasagawa ang imbestigasyon tungkol dito,” ani Mendoza.

Ayon kay Mendoza, isang show cause order (SCO) ang inilabas na para sa rehistradong may-ari ng Hyundai Stargazer at sa kanyang asawa na siyang nagmamaneho ng kotse nang maganap ang insidente ng road rage.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nasagi ng pulang Hyundai Stargazer ang Honda Click na motorsiklo sa East Service Road malapit sa Nichols train station sa Taguig City.

Matapos mabangga, pumuwesto ang Honda Click sa harap ng Stargazer upang harangin ito dahil mukhang tinatangka ng driver ng Stargazer na tumakas. Subalit, muling binangga ng Stargazer ang likuran ng Honda Click bago tuluyang tumakas.

Isang kalapit na MMDA Traffic Enforcer ang nakakita sa insidente at sinubukang pigilan ang Stargazer ngunit hindi ito pinansin ng driver at tumakas ng diretso.

Hinabol at hinarang ng enforcer ang Stargazer at tumayo pa sa harap ng sasakyan ngunit pinaharurot ng driver ang kotse na nagresulta sa pagkakadala ng enforcer at muntikan na itong mapahamak.

“This is unacceptable. Clearly, there are serious discipline and behavior problems on the part of the driver,” ani Mendoza.

Sa SCO na nilagdaan ni Francis Ray Almora, direktor ng LTO Law Enforcement Service, ang rehistradong may-ari at ang driver ng sasakyan inutusang humarap sa LTO Central Office sa Setyembre 3 kasama ang kanilang notaryadong komento at paliwanag kung bakit hindi sila dapat maparusahan.

Ang mga kasong nilabag, ayon sa SCO, Reckless Driving (Sec. 48 ng R.A. 4136), Failure to comply with the Duty of Driver in case of Accident (Sec. 55 ng R.A. 4136 at Improper Person to Operate a Motor Vehicle alinsunod sa Sec. 27(a) ng R.A. 4136.

Inutusan din ang driver ng Hyundai Stargazer na isuko ang kanyang driver’s license bago o sa mismong araw ng pagdinig sa Setyembre 3.