Edd Reyes

Luistro sa Quad Comm: Digong kasuhan na

Edd Reyes Nov 20, 2024
110 Views

PUMUTOK ang pangalan ni Batangas 2nd District Representative Atty. Gerville Luistro nang simulan ang pagdinig ng Quad Committee ng Kongreso dahil sa ipinamalas niyang husay at galing sa pagtatanong.

Naunang hinangaan si Rep. Luistro nang masopla niya sa kanyang mga tanong si Atty. Harry Roque gayung ang husay nitong sumagot nang humarap sa Senado at nasundan pa ito ng kanyang matatalim at magaling na pagtatanong sa iba pang mga resource person.

Sabi nga ng maraming sumusubaybay sa pagdinig ng Quad Com, pang-Senado raw ang galing ni Rep. Luistro kaya hindi talagang malayo na bago dumating ang 2028 national election, tiyak mag-uunahan ang iba’t-ibang partido-pulitikal na makuha siya sa kanilang line-up.

Nito nga lang nakaraang pagdinig, talagang maraming mambabatas ang nalito sa mga pabago-bago at laban-bawi na mga pahayag ni dating Pangulong Digong Duterte na ayon sa maraming nakapanood ay tila pambu-budol na.

Kaya inudyukan na ni Rep. Luistro ang House Quad Committee na kasuhan na ang dating pangulo ng paglabag sa humanitarian law at maging potential murder lalu’t kuwestionable aniya ang legalidad sa pamamaraang ginamit sa giyera sa droga na kanyang inilunsad.

Kahit tahasan pang sinabi ng dating pangulo na nakabatay sa panuntunan ng proseso ng batas ang inilunsad niyang war on drugs, hindi ito kinagat ni Luistro sa paniwalang hindi sana umabot sa mahigit 30,000 ang namatay kung nasunod lang ang due process.

Inamin din ng dating panguo ang kanyang pananagutan, legal man o illegal, pero ang tanong, seryoso ba siya, nagbibiro lang, o tulad ng mga una niyang pahayag, babaligtarin din kalaunan.

Kompetisyon sa serbisyong pang-transportasyon, pabor sa mga mananakay

HINDI talaga maikakaila ang epektibong pamumuno ng kasalukuyang administrasyon dahil sa lumolobong bilang ng mga nagnanais mamuhunan sa iba’t-ibang larangan ng pagnenegosyo.

Siyempre, kapag dumami ang mga mamumuhunan, maganda ang magiging epekto nito sa ekonomiya ng bansa at kabuhayan ng tao dahil dadami rin ang trabaho.

Sa sektor na nga lang ng transportasyon, kahit pa nga walang katatagan ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan, marami ang naglalagak ng puhunan na mas maganda dahil dadami ang kompetisyon at may mapagpipilian ang mga consumer.

Kabilang na rito ang Crown 21 Transport Services na pinamamahalaan ng mga taong nasa grupo talaga ng transportasyon na may pinagsamang karanasan sa pamamahala, lohistiko, marketing at advertising.

Sa ngayon, kumakalap na sila ng mga taong may tunay na dedikasyon sa epektibong solusyon sa problema sa transportasyon na lumahok sa kanilang kompanya, mula sa motorsiklo, tricycle, at uri ng sasakyang may apat na gulong na hindi maiko-kompromiso ang kaligtasan ng mga mananakay.

Magandang senyales ito dahil bukod sa magiging maayos ang serbisyo, gaganda ang kompetisyon na pabor sa mga mananakay at naghahanap ng serbisyo ng transportasyon.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].