Calendar
Lumabag sa PH immigration laws na 4 na Tsino tiklo sa Ilocos Norte
APAT na Chinese nationals ang naaresto ng mga agents ng Bureau of Immigration (BI) sa Burgos, Ilocos Norte noong Nobyembre 6 dahil sa paglabag sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas.
Kiinilala ng BI ang dalawang naaresto na sina Jiang Zhengwei, 43; at Chen Zhengji, 41.
Natuklasan ang dalawa na nagtatrabaho sa mga kumpanyang hindi ang kanilang rehistradong petitioning employer at nabigong iulat ang paglilipat ng kanilang tirahan.
Makalipas ang ilang oras, inaresto sina Li Shihan, 45; at Long Litao, 33 sa Brgy. Poblacion, Burgos dahil sa kaparehong paglabag.
Lumabas sa imbestigasyon na kapwa silang nagtatrabaho sa isang kumpanya sa Ilocos Norte kahit na sila ay na-petisyon ng ibang kompanya na nakabase sa Taguig City.
Dinala ang apat sa kustodiya ng BI para sa booking, dokumentasyon at beripikasyon sa BI warden facility sa Bicutan, Taguig City.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang aksyon ng mga yunit ng intelihensiya.
Muling nanawagan ang Bureau sa lahat ng dayuhan na sumunod sa mga regulasyon sa imigrasyon, partikular sa mga kondisyon ng kanilang visa at tirahan.

