Calendar

Lumalaking suporta ng maraming Pilipino para sa buong senatorial candidate ni PBBM ikinagalak ni Pacquiao
IKINAGALAK ni “Pambansang Kamao” at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao ang lumalakas at lumalaking suporta ng napakaraming mamamayan para sa buong Senatorial slate ng administrasyon.
Sabi ng dating senador na nakakapag-pataas ng kanilang moral o isang moral booster ang pahayag ng kanilang campaign manager na si House Deputy Majority Leader at Navotas Lone Dist. Rep. Toby Tiangco na lalong lumalakas at dumadami ang suporta ng mga Pilipino para sa “powerhouse” Senatorial ticket ng APBP.
Para kay Pacquiao, malaking bagay aniya ang suportang moral na ibinibigay ni President Bongbong R. Marcos, Jr. para sa lahat ng kaniyang pambato dahil sinamahan nito ang kanilang pangangampanya saan man lugar o lalawigan sila magtungo.
Pagdidiin ni Pacquiao na marahil ay nararamdaman na mismo ng mamamayang Pilipino ang sinseridad ng APBP Senatorial candidates sapagkat malinaw nilang inilalatag ang kanilang nga programa, plata-porma-de gobyerno at adbokasiya para sa bansa.
“Marahil ay nakikita na mismo ng ating mga kababayan na hindi lamang kami simpleng kandidato. Kundi isang kandidato na may kalidad at sinseridad. Maaaring nararamdaman nila na talagang magta-trabaho kami pagdating namin sa Senado,” wika ni Pacquiao.
Muling binigyang diin nito na maituturing na “malalim ang bench” ng APBP Senatorial line-up gaya sa isang basketball team sapagkat wala aniya sa kanila ang nagsasayaw o kumakanta sa ibabaw ng stage. Bagkos, naglalatag sila ng kanilang mga gagawin.
“Kung mapapansin niyo. Wala sa amin ang kumakanta at sumasayaw kasi hindi naman iyon ang gustong makita at marinig ng ating mga kababayan, kundi kung ano ang aming gagawin sakaling kami ay maluklok sa Senado. Ang gusto nilang marinig ay ang aming mga programa para sila ay maka-ahon sa kahirapan,” sabi pa ni Pacquiao.