Madrona2

Lumalawak na impluwensiya at pagiging agresibo ng China sinang-ayunan ni Madrona

Mar Rodriguez Feb 4, 2025
16 Views

SINANG-AYUNAN ni Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang ginawang pagsusuri ng mga delegadong lumahok sa 27th Parliamentary Intelligence-Security Forum (PI-SF) kaugnay sa lumalawak na impluwensiya at pagiging agresibo ng China.

Ang lumalawak na impluwensiya at agresibong mga hakbang ng China na itinuturing na isang napakalaking banta sa buong mundo ang naging sentro ng matinding pagsusuri sa pagsisimula ng PI-SF na ginanap sa Kamara de Representante nitong Lunes (Pebrero 3).

Dahil dito, sinabi ni Madrona, Vice-Chairman ng House Committee on Transportation, na tama ang ibinigay na babala ng isang security expert na dumalo sa PI-SF patungkol sa tumitinding agresyon ng militar, ekonomikong pamimilit at lihim na pakiki-alam ng Beijing sa mga usaping demokrasya sa uong mundo.

Ipinaliwanag ng kongresista na bunsod ng obserbasyong ito alinsunod sa ibinigay na babala ng security expert. Lumilitaw na masyado na aniyang nakakabahala ang pagiging mapangahas ng China dahil sa unti-unting lumalawak na kapangyarihan nito.

Binigyang diin ni Madrona na sa kasamaang palad, ang Pilipinas ang matinding nakakaranas ng pagiging agresibo ng China kaugnay sa ginagawa nitong panggigipit o harassment sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

Tinampok sa forum ang matinding kritisismo mula kina dating U.S. Congressman Robert Pittenger, U.S. Senator Bill Cassidy at dating Deputy National Security Adviser Matt Pottinger matapos nilang akusahan ang Chinese Communist Party (CCP) ng pagpapahina ng pambansang kaayusan sa pamamagitan ng ekonomikong panlilinlang.