Lumang estilo ni Duterte sa pagpapakalat ng fake news binatikos

Mar Rodriguez Jan 24, 2025
18 Views

BINATIKOS ni House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Rep. Patrick Michael “PM” D. Vargas ang mistulang “bulok” at lumang estilo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng sadyang pagpapakalat nito ng mga maling impormasyon o “fake news” patungkol sa 2025 national budget.

Binigyang diin ng House Assistant Majority Leader na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy parin ang pahahasik ng dating Pangulo ng mga maling impormasyon na nagdudulot lamang ng matinding kalituhan sa publiko. Isang estilo na dati na nitong ginagawa partikular na noong panahon ng kaniyang administrasyon.

Ang pahayag ni Vargas ay kaugnay sa ipinapalaganap ng “fake news” ni Duterte patungkol sa 2025 national budget na ipinapalagay ng kongresista na isang patatangka o taktika ng dating Pangulo para maibalik ang tinapyasang confidential fund ni Vice-President Inday Sara Duterte sa pamamagitan ng re-enacted budget.

Ipinaliwanag ni Vargas na ang di-umano’y “blank appropriations” na ipinapakalat ng dating Pangulong Duterte ay isang maliwanag na “disinformation” upang sadyang lituhin nito ang publiko kasunod ng paninira sa reputasyon at imahe ng pamahalaan.

Sinabi ng Quezon City solon na ang pinaka-layunin aniya ng ginagawa ni Duterte ay para maibalik ang confidential fund na dating nakalaan sa Office of the Vice President (OVP) subalit napagkasunduang tapyasin makaraang hindi maipaliwanag ni VP Sara sa budget hearing ng Kamara kung ano-ano ang mga pinagkagastusan ng milyong-pisong pondo.

Dahil dito, pagdidiin ni Vargas na ang 2025 national budget na inaprubahan ng Kamara de Representantes ay dumaan at sumailalim sa masusing pagsusuri at pag-aaral ng lahat ng mga kongresista.