Reyes

Lumolobong kaso ng child labor sa PH ikinabahala

Mar Rodriguez Mar 8, 2023
187 Views

IKINABABAHALA ngayon ng ANAKALUSUGAN Party List Group sa Kamara de Representantes ang nakaka-alarmang estatistika kaugnay sa unti-unting paglobo ng mga kaso ng child labor sa Pilipinas.

Ipinahayag ni ANAKALUSUGAN Party List Congressman Ray T. Reyes na masyado aniyang nakakabahala ang pagtaas ng kalahating milyon (500.000) sa bilang ng mga kaso ng child labor sa bansa mula noong 2020.

Isiniwalat ni Reyes na alinsunod sa impormasyong nakalap nila mula sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ipinapakita dito na mayroong 1.37 milyong bata ang nagta-trabaho sa gulang na lima hanggang 17 anyos noong 2021.

Binigyang diin ni Reyes na mas mataas ang nasabing bilang na nakuha nila mula sa PSA. Kumpara naman sa 872,333 na mga bata sa parehong edad na nagta-trabaho sa bansa noong 2020.

Idinagdag pa ni Reyes na batay din sa inilabas na ulat ng PSA, ang bilang ng mga batang biktima ng child labor ay tumataas mula 596,919 noong 2020. Kung saan, ang mga biktima ng child labor ay pinipilit na magtrabaho mga hindi kanais-nais na gawain o sadyang mapanganib.

Ayon pa sa kongresista, ang mga nasabing bata ay pinagta-trabaho din ng mahigit sa 40 oras kada linggo o nagta-trabaho sila ng lampas sa itinatakdang oras ng batas kaugnay sa oras ng pagta-trabaho.

Sinabi ni Reyes na ang nakalap nilang impormasyon ay isang malinaw na “sampal” sa mukha ng mga awtoridad na dapat sana’y nangangalaga aniya sa kapakanan ng mga batang nasa murang edad.

“Ito’y malinaw na sampal sa mukha ng mga awtoridad na dapat magbigay ng paalala sa kanila na marami pang puwedeng gawin ang gobyerno upang masiguro na naipapatupad ng tama ang mga batas na nagbabawal sa pagta-trabaho ng mga bata,” paliwanag ni Reyes.