NGCP Larawan: National Grid Corporation of the Philippines

Luzon, Visayas grids nasa Red, Yellow alerts

43 Views
NGCP1
Larawan: National Grid Corporation of the Philippines

NAGTAAS ng red at yellow alerts ang National Grid Corporation of the Philippines sa Luzon at Visayas grids ngayong Biyernes, May 15, dahil sa manipis na suplay ng kuryente at mataas na demand.

Sa advisory ng NGCP, isinailalim sa red alert ang Luzon grid mula alas-3 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi, habang nakataas naman ang yellow alert mula alas-1 hanggang alas-3 ng hapon at alas-10 hanggang alas-11 ng gabi.

Ayon sa NGCP, nasa 13,508 MW ang available capacity sa Luzon habang umabot sa 13,881 MW ang peak demand. Kabuuang 16 planta umano ang naka-forced outage ngayong Mayo, habang 14 pa ang tumatakbo sa derated capacities, dahilan para mawalan ng 4,160 MW sa grid.

Samantala, isinailalim din sa red alert ang Visayas grid mula alas-5 hanggang alas-9 ng gabi. Nakataas naman ang yellow alert mula alas-2 hanggang alas-5 ng hapon at alas-9 hanggang alas-11 ng gabi.

Nasa 2,441 MW lamang ang available capacity sa Visayas habang pumalo sa 2,661 MW ang peak demand. Ayon sa NGCP, 11 planta ang naka-forced outage ngayong Mayo habang 11 iba pa ang tumatakbo sa derated capacities.

Ipinaliwanag ng NGCP na ang red alert ay nangangahulugang hindi sapat ang supply ng kuryente upang tugunan ang demand at reserve requirement ng grid, habang ang yellow alert naman ay indikasyon ng manipis na operating margin.