Bro. Marianito Agustin

Maaari tayong maging Juan Bautista sa ating mga sarili. Ang pagiging totoo at mapagkumbaba (Juan 1:19-28)

488 Views

NAGING mas masahol pa sa isang mantsa ang paglaganap ng tinatawag na “fake news” sa ating bansa. Sapagkat hindi na ito kailanman maiwawaksi at hindi na rin mapipigilan o masasagkaan pa ang pagkalat nito partikular na sa larangan ng “social media”.

Parang naging bahagi na ng “kultura” nating mga Pilipino ang pagpapakalat ng mga “fake news” at mali-maling balita sa halip na mapigilan o mabawasan man lamang, subalit hindi nga ganoon ang nangyayari. Bagkos, mas lalong lumalala ang paglaganap ng “fake news”.

Kaya sa Mabuting Balita mula sa Sulat ni San Juan (Juan 1:19-28). Si Juan Bautista ang magandang ehemplo ng tagapaghatid ng totoong balita sa halip na tagapag-palaganap ng mali o “fake news”. Sapagkat siya ang sinugo ng Diyos para ipalaganap ang katotohanan.

Si Juan Bautista ang inatasan ang Diyos Ama upang ipalaganap sa mga tao ang Mabuting Balita mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga pangangaral. Siya din ang mensahero ng Diyos para akayin ang mga taong naliligaw ng landas at dalhin sa liwanag.

Mababasa natin sa Ebanghelyo na nagpakatotoo si San Juan sapagkat inamin niya kung ano ang totoo sa halip na magpalaganap siya ng maling balita o “fake news”. Walang kagatol-gatol na inamin niya na hindi siya ang Kristo, hindi niya ikinaila kung ano at sino siya. (Juan 1:20-21)

Hindi nagkunwari at hindi rin nagpanggap si San Juan sapagkat hindi siya nahiyang aminin sa mga Paring Judio at Levita na hindi siya si Elias at hindi rin siya isang Propeta. Sa halip, isa lamang siyang tinig na nangangaral sa mga tao na magbalik loob sa Panginoong Diyos. (Juan 1:22-23)

Itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa ang pagiging totoo sa halip na nagkukubli tayo sa pagkukunwari at pagbabalat kayo. May mga tao kasi na nabubuhay sa pagkukunwari dahil nahihiya silang malaman ng ibang tao kung sino at ano ba talaga sila. Ano ba ang nakahihiya sa katotohanan?

Halimbawa, nahihiya ang isang tao na malaman ng iba tao ang kaniyang totoong pagkatao. Itinatago niya ang katotohanan para palutangin ang isang bagay na taliwas sa totoo. Hindi ba’t mas lalong nakakahiya kapag sumambulat ang pilit mong itinatago?

Walang iniwan iyan sa isang “nitso” o libingan na maganda sa labas. Subalit ang loob pala’y puno ng kalansay. Mas magiging magaan kung magpapakatootoo tayo sapagkat mas kahanga-hanga ang pagiging “honest” o tapat sa halip na maging mapagkunwari.

Gaya ni Juan Bautista, hindi siya nahiyang aminin kung sino at ano siya. Para sa kaniya, ano ang nakakahiya sa pagiging “tinig” samantalang iyon naman talaga ang papel o tungkulin na kaniyang ginagampanan. Bakit siya kailangang magpanggap sa isang bagay na hindi naman siya?

Ang isa pang aspeto na dapat matutunan natin sa kuwentong ito ay ang pagiging “humble” ni Juan Bautista. Inamin nito na hindi niya kapantay o “ka-level” si Jesus. Sapagkat sinabi niya sa mga Pariseo hindi man lamang siya karapat-dapat magkalag sa sintas ng sandalyas ni Kristo. (Juan 1:26-27)

Ang pagkakalag sa sintas ng sandalasyas ay isa nang mababang uri ng tungkulin. Paano pa kaya ang pagsasabing hindi ka karapat-dapat na magkalag man lamang sa sintas ng sandalyas, hindi ba’t mas lalo pang pinababa ni Juan Bautista ang kaniyang sarili?

Ang ibig lamang nitong ipakahulugan na hindi nagmamataas, nagyayabang o nagmamalaki si Juan Bautista sa halip ay ipinapakita niya ang kaniyang kababaang loob. Hindi siya nagpapanggap na malaking tao para lamang hangaan siya o kabiliban.

Kailangan pa bang ipagyabang halimbawa ng isang tao kung sino siya para lamang siya kasindakan o katakutan? Kailangan ba niyang sabihin: “Hindi mo ba ako kilala? Anak ako ni congressman! Kilala mo ba ako? Pulis ako! Ang kalakaran ba talaga ngayon sa mundo ay sindakan at takutan?

Kapag ikaw ay isang malaking tao ay mas lalo kang kasisindakan? Hindi ba’t mas magiging payapa ang iyong buhay kung isa ka lamang simpleng tao at hindi nagmamalaki o nagyayabang? May mga kakilala ako na “big time” sila pero napaka-simple lamang.

Pupuwede tayong maging Juan Bautista sa ating mga sarili. (1) Ang pagiging totoo sa ating mga sarili sa halip na matago tayo sa pagkukunwari. (2) Ang pagiging mapagkumbaba sa halip na magyabang at magmalaki tayo. Tandaan natin na ang taong mayabang ay ibinabagsak ng Diyos.