Romblon lone Dist

Mabigat na parusa vs lasing na drayber, suportado

Mar Rodriguez Jan 21, 2025
14 Views

SINUSUPORTAHAN ng Vice-Chairman ng House Committee on Transportation na si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang panukalang batas na nagpapataw ng mabigat na kaparusahan laban sa mga driver na mapapatunayang nagmamaneho ng lasing.

Sabi ni Madrona, Chairman din ng House Committee on Tourism, na ang panukalang isinusulong ng kapwa nito mambabatas sa Kamara de Representantes ay bilang solusyon sa lumalalang kaso ng mga aksidente sa lansangan dulot ng pagmamaneho habang nasa impluwensiya ng alak habang ang iba naman ay naka-droga.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na ang isa rin sa mga solusyong nakikita nito upang maresolba ang serye ng mga aksidente sa lansangan ay ang pagtatalaga ng karagdagang traffic enforcers na Huhuli ng mga laseng na drayber.

Ipinabatid pa ni Madrona na iniulat din ng Department of Health (DOH) na tinatayang umabot ng 703 aksidente sa lansangan ang naitala nito mula Disyembre 2024 hanggang Enero ng kasalukuyang taon (2025) kung saan 127 dito aniya ang aksidenteng sanhi ng pagmamaneho ng lasing.

Dahil dito, binigyang diin ni Madrona na upang mahinto na ang ganitong problema sa lansangan ay kinakailangan talagang magkaroon ng panukalang batas na susupil sa mga drayber na walang pakundangan sa pagmamaneho.

Ayon pa kay Madrona, hindi lang naman ang pagpapataw ng mabigat na kaparusahan laban sa mga laseng na drivers ang kinakailangang ipatupad ng Land Transportation Office (LTO). Kundi ang pagkakroon ng seminar sa pamamagitan ng “driver’s education” upang maipabatid sa kanila ang prinsipyo ng responsableng pagmamaneho.

To God be the Glory