Magsino

Mabilis na aksiyon ng DMW laban sa investment scam pinuri ni Magsino

Mar Rodriguez Oct 18, 2023
202 Views

PINAPURIHAN ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang mabilis na aksiyon ng Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa pagtatatag nito ng “task force” na tututok at tutugon sa lumalalang problema ng “investment scam” kung saan ang mga pangunahing biktima ng sindikatong nagpapatakbo ng naturang modus-operandi ay mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sinabi ni Magsino na ang naging inisyatiba at pagkilos ng DMW ay isang napaka-crucial na hakbang para mapangalagaan ang interes at kapakanan ng mga OFWs at kanilang pamilya laban sa mga mapagsamantala at racketeers tulad ng mga taong nasa likod ng illegal na “investment scam”.

Ayon kay Magsino, una na siyang nakipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation (NBI) patungkol sa nasabing investment scams na ipinagbigay alam naman sa kaniyang tanggapan sa Kamara de Representantes na isinumbong din sa kaniya ng mga OFWs sa South Korea.

Ipinahayag ng OFW Party List Lady solon na nagsumbong sa kaniya ang mga OFWs sa South Korea nang siya ay bumisita noong June 13, 2023. Kung saan, nasa P150 million na aniya ang natangay sa mga kaawa-awang OFWs na kinasasangkutan ng mga Filipino intermediaries o tagapamagitan.

“I was informed about the massive investment scam victimizing our OFWs there wherein around P150 million has been scammed from them. The scam reportedly involves Filipino intermediaries.

Thus it is imperative that we identify and prosecute suspected Filipino accomplices in the investment scam,” ayon kay Magsino.

Naniniwala si Magsino na malaki ang maitutulong ng itinatag na task force ng DMW upang huwag mapunta sa kamay ng mga scammers ang malaking kontribusyon ng mga OFWs sa ekonomiya ng bansa.

Binigyang diin pa ng kongresista na napakahalagang mabigyan ng tamang impormasyon at gabay ang mga OFWs para hindi sila basta-basta mabibiktima ng mga investment scams at iba pang scammers na nais samantalahin at limasin ang kanilang pinaghirapang pera para sa kanilang pamilya.