Mabilog2 Nanunumpa sina dismissed Bamban Mayor Alice Guo (kaliwa), ex-Cebu Mayor Tomas Dela Rama Osmeña (center ) at ex- Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog (right) upang magsabi ng katotohanan sa Quad Committee hearing sa Kamara de Representantes Huwebes ng umaga. Kuha ni VER NOVENO

Mabilog: Pekeng drug list ginamit vs kalaban sa politika

105 Views

SA kanyang pagharap sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes na nag-iimbestiga sa mga extrajudicial killings (EJKs), ibinunyag ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog kung paano ginamit ng administrasyong Duterte ang pekeng drug-list upang usigin ang mga kalaban nito sa pulitika.

Sinabi ni Mabilog na ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa narco-list ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay dahil sa pulitika bunsod ng pagiging kamag-anak niya ng isang kritiko ng administrasyong Duterte.

“Despite my hard work and dedication to public service, I was unjustly, baselessly included in former President Duterte’s so-called narco-list. This inclusion was made without any evidence, investigation, or due process,” ayon pa sa pahayag ni Mabilog sa pagdinig.

Sinabi pa ni Mabilog na bago isinama ng dating Pangulo sa drug-list ang kanyang pangalan ay wala siya sa listahan ng mga drug personalities ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nang tanungin ni Surigao del Sur Rep. John Pimentel kung bakit siya napasama sa listahan, ihinayag ni Mabilog ang mga posibleng dahilan sa komite.

“Actually, your honors, I really made several attempts to see then-President Duterte. Just to ask kung ano po talaga ang reason kung bakit po ako naisama sa lista. So, gumawa na lang po ako ng assumptions ko for what these reasons are,” ayon sa dating alkalde.

Naniniwala si Mabilog na ang kanyang pagkakasama sa listahan ay maaaring dahil siya ay kamag-anak ni dating Senator Franklin Drilon, gayundin ang kanyang hindi pagsuporta kay Duterte noong 2016 elections.

Ipinaliwanag niya na ang Iloilo City ay patuloy na inihahambing sa Davao City, lalo na noong panahon ng pagiging alkalde ni Duterte.

Ipinakita rin ni Mabilog ang mga media articles na nagpapakita ng paghahambing sa pagitan ng dalawang lungsod at na maaaring isa sa dahilan sa kanyang pagiging target.

“Iloilo City was always compared to Davao City. I have here po all the newspaper articles with me that would show that even Solita Monsod compared myself to then Mayor Rodrigo Duterte,” pahayag pa ni Mabilog.

Nang magtanong si Pimentel kung naniwala si Mabilog na ang kanyang pagkakasama sa listahan ay may motibong pulitika dahil sa hindi pagsuporta ng Iloilo City kay Duterte noong 2016 elections, hinimok ni Pimentel si Mabilog na sagutin ang tanong.

“President Rodrigo Duterte got only 13.7% in the total number of votes in Iloilo City, which is his lowest percentage votes all over the country, while Manuel Roxas po won the majority in Iloilo City,” saad nito.

Sinabi ni Mabilog na dahil sa pagkakasama ng kanyang pangalan sa narco-list ay nagbago ang pang-araw araw na kanilang pamumuhay,kung saan kinumpiska rin ang kaniyang baril, at pagbawi sa mga police escort.

“Yung lahat na security personnel na naka-detail po sa Mayor ay tinanggal. So yung ginawa ko is pumunta sa then PNP Regional Director na bagong assigned at kinausap ko siya kung ano ang dapat gagawin,” saad ni Mabilog.

Sa kabila ng pagbibigay ni Mabilog ng mga ebidensya ng kanyang mga programa laban sa droga, wala siyang natanggap na malinaw na paliwanag kung bakit siya isinama sa listahan.

Tinanong din ni Pimentel kung inalam ba ni Mabilog kung bakit siya nasama sa drug-list, sinabi ng dating alkalde na wala ring maisagot ng Regional Director kundi tinukoy lamang ang isinapublikong anunsyo ni Duterte.

“Sir bakit po ako nasali? Bakit po ang Iloilo most shabulized? Ito po yung mga programa po namin. Yung sagot niya po, nanggaling sa itaas yung lista, yung in-announce ng Presidente, wala pa pong lista nun,” paliwanag Mabilog.

Binibigyang-diin ni Pimentel na ang pagkakasama ni Mabilog sa listahan ay hindi napatunayan ng mga lokal na awtoridad at nakabatay lamang sa mga pampublikong pahayag ni Duterte.

“In short Mr. Chair, yung binabasehan lang ng Regional Director sa listahan na sinabi ng former Presidente, doon lang po niya nakuha ang pangalan ninyo without any validation, ganun po ba?” tanong ni Pimentel, na kinumpirma naman ni Mabilog, “Yes, Your Honor.”

Ayon pa kay Mabilog na makailang-ulit na binabanggit ni Duterte ang kanyang pangalan sa publiko na higit pang nagpalala sa panganib sa kanyang buhay.

“During in one forum, ito ba pinatotohanan mo? Doon sa isang event na sinabi niya, the Mayor of Iloilo City, I identified him. This was broadcasted. I said you’re next,” Ayon pa kay Pimentel, na sinang-ayunan din ni Mabilog, “Yes Your Honor as happened showed in the video po.”

Naniniwala si Pimentel na si Mabilog ay biktima ng walang basehang akusasyon sa ilalim ng kampanya kontra-droga ng dating pangulong Duterte.

“In fact, nandyan po sa affidavit din ho niya because of the several threats and because of several calls from different police authorities telling him… ikaw ang susunod na papatayin. And that is why Mr. Jed Mabilog left the country to save his life and to save his family,” ayon pa kay Pimentel.