Madriaga Ramil Madriaga

Madriaga nanindigan na mataas na opisyal nakatanggap ng POGO money pangkampanya

311 Views

NANINDIGAN ang sinasabing bagman na si Ramil Madriaga na isang mataas na opisyal ay kasama sa tumanggap umano ng donasyon na Philippine offshore gaming operation o POGO money mula China para pangkampanya.

Ayon sa abogado ni Madriaga na si Atty. Raymond Palad, hindi dapat isantabi ang mga pahayag ng kanyang kliyente kahit pa may kinakaharap itong kasong kidnapping. “Hindi pa naman siya convicted. May karapatan siyang magsalita at maglahad ng nalalaman,” giit ni Palad.

Ibinunyag ng kampo ni Madriaga na umano’y personal nitong kinukuha ang pera mula sa mga Chinese national na sangkot sa POGO at inihahatid sa mga itinalagang contact persons. Gayunman, sinabi ng kampo ni Madriaga na hindi pa ilalantad ang mga pangalan hangga’t hindi pa ganap na nabiberipika ang mga impormasyong hawak nila.

Isa pa sa ibinulgar ni Palad ang sinasabing pagkakaroon ni Madriaga ng tatlong cellphone. Ang mga naturang cellphone umano ay naglalaman ng mga larawan, tala, mensahe at call logs na posibleng magsilbing ebidensiya ni Madriaga.

Dahil sa mga alegasyong ito, pormal nang nanawagan ang kampo ni Madriaga sa Office of the Ombudsman at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan sa likod ng umano’y POGO payola scandal.