Madrona

Madrona iginiit kasuhan mga hoarder ng bawang, sibuyas

Mar Rodriguez Feb 7, 2023
197 Views

BIBIGYANG diin ngayon ng isang veteran congressman na kailangang kasuhan ng pamahalaan ang mga tiwaling negosyante o traders na sinasadyang ipitin o i-hoard ang supply ng mga basic commodities partikular na ang sibuyas at bawang.

Sinabi ni Romblon Lone Dist Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na dapat pangalanan na rin ng mga “concerned agencies” tulad ng Department of Agriculture (DA) ang mga taong nasa likod ng nangyayaring hoarding.

Ipinaliwanag ni Madrona na sa oras na makilala o ma-identify ng gobyerno ang mga tao at personalidad na nasa likod ng hoarding sa supply ng mga agricultural products. Kasunod na dapat nito ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.

Iginiit ni Madrona na masyado na aniyang garapal ang ginagawa ng mga tusong negosyante at traders sapat halos umabot na ng P800 hanggang P900 ang presyo ng isang kilong sibuyas. Samantalang ang Standard Retail Price (SRP) lamang nito ay P130 kada kilo.

“Dapat talaga kasuhan na ang mga taong nasa likod nitong hoarding. Ang mga government agencies na in charge should be able to identify this people, madali naman makilala kung sino ang mga ito at once na ma-identify sila. Dapat sampahan na agad sila ng kaso,” ayon kay Madrona.

Gayunman, aminado ang mambabatas na wala ng magagawa ang Kamara de Represenatantes para masugpo ang nangyayaring hoarding sa supply ng mga agricultural products. Sapagkat ang implementasyon na lamang ng mga umiiral na batas ang makapipigil dito.

“Wala na kami sigurong magagawa (Congress) sapagkat ang kailangan na lamang gawin ay ang implementation ng mga batas. Kasi wala naman ganitong problema noong una, ngayon na lamang ito nangyari, ibig sabihin lang nito na talagang mayroong mga nagsasamantala,” sabi pa ni Madrona.

Kinatigan naman ni Madrona ang naging pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romuldez na nagbigay babala laban sa mga tinawag nitong “profit-hungry traders” na minamanipula at iniipit ang supply ng mga agricultural products.

Sinabi ng kongresista na kailangang talagang magsagawa ng isang “all-out war” laban sa mga tusong negosyante na sadyang minamanipula at iniipit ang supply ng mga agricultural products tulad ng bawang at sibuyas sa layuning pataasin ang presyo nito sa mga pamilihan.