Romblon lone Dist

Madrona sang-ayon na sampolan ng pamahalaan talamak na rice cartel, smugglers

Mar Rodriguez Jan 23, 2025
16 Views

SINANG-AYUNAN ni Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang pahayag ni Makati City Mayor Abby Binay na dapat sampolan ng gobyerno ang mga rice cartels at smugglers na garapalang mina-manipula ang presyo ng bigas sa merkado.

Binigyang diin ni Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, na ang pagiging ganid at tuso ng mga rice cartel at smugglers ang lalong nagpapahirap sa kalagayan ng mga mamamayan partikular na ang mga mahihirap na Pilipino.

Ipinaliwanag ni Madrona na nararanasan na nga ng mga mahihirap o maralitang mamamayan ang gutom bunsod ng napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin ay nagagawa pa ng mga rice cartel at smugglers na manipulahin ang presyo ng bigas na pumapabor sa kanila.

Dahil dito, sinabi ng kongresista na isang Abogado na sa dami ng mga umiiral na batas laban sa cartel at profiteering ay dapat lamang na maipakulong ang mga rice cartel at smugglers upang tuluyan ng masupil ang talamak na “price manipulation” sa presyo ng bigas.

Dagdag pa ni Madrona na sa kasamaang palad, ang mga mahihirap na Pilipino ang nagiging “collateral damage” ng masamang kalakaran ng mga rice cartel at smugglers.

Ayon sa kanya, hangga’t walang nasasampolan o napaparusahang rice cartel at smugglers ay patuloy lamang ang pamamayagpag ng mga nasabing sindikato habang ang mga mamamayan naman ay patuloy na maghihirap bunsod ng mataas na presyo ng bigas sa merkado.

Naniniwala din si Madrona na malaki ang maitutulong ng pagdedeklara ng “national food security emergency” upang mapigilan ang pagtaas sa presyo ng bigas bagama’t aminado ang mambabatas na ito ay pansamantalang solusyon lamang.