Congressman Eleandro Jesus

Madrona: The show must go on

Mar Rodriguez Jul 6, 2023
172 Views

SA kabila ng kontrobersiyang kinasangkutan ng Department of Tourism (DOT), naniniwala ang House Committee on Tourism hindi dapat maging hadlang ang kontrobersiyang ito para hindi ituloy ng Tourism Department ang pagpo-promote o pagsusulong sa turismo ng Pilipinas.

Dahil dito, ipinahayag ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairperson ng Committee on Tourism, na hindi dapat magsilbing balakid ang isyung ikinulapol laban sa DOT.

Bagkos, sinabi ni Madrona na dapat pa nga itong maging dahilan at “motivation” para lalong magpursige ang Tourism Department sa pagsusulong ng turismo ng bansa gaya ng naging mungkahi ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa suwestiyon nilang “faith tourism”.

Sinang-ayunan ni Madrona ang panawagan ng CBCP para sa DOT na i-promote o isulong din ng ahensiya ang tinatawag na “faith tourism” sa Pilipinas matapos ang paglulunsad nito ng tourism slogan na “Love the Philippines” bagama’t naharap kamakailan ang nasabing branding sa kontrobersiya.

Gayunman, ayon kay Madrona, pabor siya sa mungkahi ni CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) Executive Secretary Fr. Jerome Secillano na kailangan maisama din ang mga makasaysayan at antigong Simbahan sa pagpo-promote ng mga natural resources at sceneries sa mga dayuhang turista.

Ipinaliwanag ni Madrona na ang mga luma at antigong Simbahan na matatagpuan sa Pilipinas katulad ng San Augustine Church at Manila Cathedral sa Intramuros, Manila ay bahagi na ng kasaysayan ng bansa na isang palatandaan ng matibay at malalim na pananampalataya ng mga Pilipino.

Binigyang diin pa ni Madrona na ang paglilibot din ng mga foreign tourists o mga dayuhang turista sa iba’t-ibang antigong Simbahan sa bansa ay nagpapakita din ng mabahang kasaysayan ng pananampalataya ng mga Pilipino na nagsimula sa pagpapalaganap ng Katolisismo sa Pilipinas.

Idinagdag pa ng kongresista na kapag sinabing “Faith tourism” gaya ng iminungkahi ng CBCP, naglalarawan din ito aniya sa mga Simbahan na instrumento ng pagiging Katoliko ng Pilipinas sapagkat mayorya ng mga Pilipino ay Katoliko na minana pa noong panahon na sakupin ang bansa ng mga Kastila.