Khonghun Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun

Mag-amang Duterte tinuligsa sa parehong paraan ng paggamit ng confidential funds

11 Views
Fernandez
Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

PAREHONG-PAREHO ng estilo ang mag-amang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte sa ginawa umanong paggamit ng confidential funds at extrajudicial killings (EJK) sa kampanya kontra iligal na droga.

Sa isang press conference, sinabi nina House Assistant Majority Leader Jay Khonghun at committee on public order and safety chairman Dan Fernandez na kanilang napansin ang umano’y “pattern” ng kawalan ng pananagutan mula sa mag-amang Duterte.

“Kung may Davao model sa EJK, may Davao model din sa paggastos ng confidential fund,” ayon kay Khonghun, na binanggit na ang Davao City rin ang may pinakamalaking confidential fund kumpara sa anumang lungsod sa bansa noong panahon ng pamumuno ni Sara Duterte.

Iginiit niya na ang modelo o istilong ito ay nakaimpluwensya sa paraan ng pamamahala ni VP Duterte sa pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

“Nakikita natin ‘yung pattern ng mag-ama, nakikita natin ‘yung pattern na kanilang ginagawa patungkol sa [EJKs] at kung paano nila ginagastos ‘yung confidential fund,” ayon pa sa mambabatas mula sa Zambales.

“Kung paano nila ginastos ‘yung confidential fund ng DepEd at [OVP], binabase rin nila sa Davao model,” dagdag pa nito.

Kamakailan, inilahad ng House Blue Ribbon committee, na kilala rin bilang committee on good government and public accountability, ang paggamit ni VP Duterte ng daan-daang milyong confidential funds noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City, at kung paano ito nagpatuloy sa OVP kahit wala itong mandatong humawak ng naturang mga pondo.

Ayon sa mga rekord, patuloy na tumaas ang confidential funds ng Davao City mula P144 milyon noong 2016 hanggang P460 milyon taun-taon mula 2019 hanggang 2022, sa panahon ng panunungkulan ni VP Duterte bilang alkalde.

Sa mga nakaraang pagdinig naman ng House quad committee, maraming saksi ang nagpatunay na ang reward system sa pambansang kampanya kontra droga ni Duterte ay sumunod sa “Davao model,” kung saan ang mga pulis ay nakakatanggap ng cash reward para sa bawat suspek na napatay.

Ipinahayag pa ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager at retired police Colonel Royina Garma kung paano ang giyera kontra droga ni Duterte ay ipinatupad bilang pagsunod sa pamamaraang ginamit sa Davao City noong siya’y alkalde, at kung paano ito pinalawak mula sa lokal na antas at malawakang ipinatupad sa buong bansa.

Binanggit ni Fernandez, co-chair ng quad committee, na ipinapakita ni VP Duterte ang mga katulad na asal ng kanyang ama sa pamamagitan ng pagtanggi na payagan ang kanyang mga tauhan sa OVP na dumalo sa mga pagdinig na nag-iimbestiga sa kanyang umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno.

“I think the father and daughter have the same personality, shielding their own people,” ayon kay Fernandez.

Ikinumpara ng mambabatas ang mga gawain ng Bise Presidente sa paninindigan ng kanyang ama noong war against drugs, kung saan inako nito ang buong legal at moral na pananagutan sa kampanya ng kanyang administrasyon—isang paninindigan na muli niyang binigyang-diin sa kamakailang pagdinig sa Senado.

Duda naman si Fernandez sa pangako ng dating pangulo na bibigyan ng proteksyon ang mga pulis na nasasangkot.

“Nagsalita na po si PNP Chief, and sinabi niya that 1,286 na mga affected noong war on drugs died, and others were wounded,” saad ni Fernandez.

“‘Yung iba naman po ay 219 cops were, I think, charged criminally and almost 200 plus ang na-dismiss,” dagdag pa nito, sa dami ng mga pulis na sangkot dahil sa pagsunod sa kampanya kontra droga.

“‘Yung pronouncement ng [dating] Presidente [Duterte] that siya po ang sasagot sa lahat ng problems noong mga lower ranks sa ating pong kapulisan, para atang hindi po nangyayari,” ayon kay Fernandez, na nagbabala tungkol sa nakakaalarmang pattern na hindi nagtapos sa termino ng dating pangulo.

“And this is the same trait and behavior that are now being manifested in his daughter,” ayon pa rito.

Iniimbestigahan ng Blue Ribbon committee ang umano’y maling paggamit ng P500 milyong confidential funds na inilaan sa OVP, na inilabas sa apat na bahagi ng tig-P125 milyon, simula sa huling bahagi ng 2022 at hanggang sa unang tatlong quarter ng 2023.

Kasama rito ang P125 milyon na ginastos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Tinututukan din ng Blue Ribbon panel ang mga umano’y iregularidad kaugnay ng P150 milyong confidential funds na inilaan noong 2023 sa DepEd sa ilalim ng pamamahala ng Pangalawang Pangulo.

Ang paggastos sa confidential fund ng OVP at DepEd ay sinita ng Commission on Audit (COA) dahil sa iregularidad at kakulangan ng mga dokumento na magpapatunay ng tamang paggastos.