Scam

Mag-ingat sa holiday online scams

11 Views

NAGBABALA si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel sa publiko tungkol sa mga holiday online scams at hinihimok ang mga Pilipino na maging mapagmatyag laban sa mga mapanlinlang na gawain na laganap tuwing Yuletide.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsunod sa advisory ng National Telecommunications Commission (NTC) ukol sa ganitong mga modus operandi.

“Maraming scammer ang naghahanap ng pagkakataon para manloko. Use your KoKote always,” dagdag pa niya.

Pinunto ng senador ang payo ng NTC na huwag mag-click ng mga link na naka-embed sa kahina-hinalang text messages.

Binalaan din niya ang publiko sa panganib na maaaring idulot ng mga scam sa personal na impormasyon at seguridad sa pananalapi.

“Huwag po tayong magpapadala sa mga mensaheng hindi natin kilala ang pinagmulan,” babala ni Pimentel.

“Bago kayo mag-click, siguraduhin ninyong lehitimo ang pinagmulan ng mensahe,” aniya.

Muling idiniin ni Pimentel ang panawagan ng NTC na i-report ang mga kahina-hinalang text messages at online scams sa kanilang website o sa pamamagitan ng NTC Hotline 1682.

Hinikayat niya ang lahat na gumawa ng maagap na hakbang para maprotektahan ang sarili at pamilya laban sa mga mapanlinlang na gawain.

“Ang pag-iingat susi para maiwasan ang mga scam,” pagtatapos niya.