Magandang ekonomiya ipararamdam ng Kamara sa ordinaryong Pilipino

168 Views

SA gitna ng inaasahang pag-angat ng ekonomiya ng bansa, tiniyak ni Speaker Martin G. Romualdez na magdodoble kayod ang Mababang Kapulungan ng Kongreso upang maramdaman ito ng ordinaryong Pilipino.

“We, in the House of Representatives, welcome the good news from our Finance Secretary (Benjamin Diokno) that the worst is over for the Philippines and better years are expected,” sabi ni Romualdez.

“This definitely inspires us to work double-time when we resume session next year, pushing us to legislate more laws needed to further boost the economy and improve the living condition of our people,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Nauna rito, sinabi ni Diokno na aangat ang ekonomiya ng bansa sa 2023 at sa mga susunod pang taon batay sa mga nangyari ngayong taon.

Sa kabila ng nagbabadyang mild recession ng mga ekonomiya ng mundo, sinabi ni Diokno na inaasahan ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ng 6.5% at maaaring ito ang maitalang pinakamataas na growth rate sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Kabilang sa mga dahilan na ibibigay ni Diokno kung kaya positibo ang kanyang pagtingin sa paglago ng ekonomiya ay ang maagang pag-apruba ng Kongreso sa panukalang P5.268 trilyong budget para sa susunod na taon, ang pagpapatibay ng Senado at Kamara sa kauna-unahang Medium-Term Fiscal Framework (MTFF) para sa 2023-2028, ang mas magandang economic environment para sa mga dayuhang mamumuhunan at ang pagpapalawig ng “Build, Build, Build” program sa tulong ng pribadong sektor.

Nagpasalamat naman si Romualdez sa kanyang mga kapwa kongresista para sa mabilis na pag-apruba sa mga panukala.

Bago ang Christmas break, naaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang 20 panukala na nais ng Marcos administration na agad maisabatas.

Sinabi ni Romualdez na tatrabahuhin din ng Kamara ang agad na pagpasa sa nalalabing 12 panukala na nais mabigyang prayoridad ng Malacañang.

Kabilang sa mga panukalang ito ang: 1. Enabling Law para sa Natural Gas Industry, 2. Amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), 3. Unified System of Separation, Retirement and Pension, 4. E-Governance Act at E Government Act, 5. National Land Use Act, 6. National Defense Act, 7. National Government Rightsizing Program, 8. Budget Modernization Bill, 9. Department of Water Resources, 10. Pagtatayo ng Negros Island Region, 11. Magna Carta for Filipino Seafarers, at 12. Pagtatayo ng mga Regional Specialty Hospitals.