Bro. Marianito Agustin

Magbigay ng di pakitang-tao kundi mula sa puso

579 Views

“Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan. Ngunit ang ibinigay ng Biyudang iyon, bagama’t siya’y mahirap ay ang buo niyang ikinabubuhay”. (Marcos 12:44)

Ang sabi ng ilan na kapag ang isang tao daw ay galante o generous ang tawag sa kaniya ay “Karatista” sapagkat nakabukas ang kaniyang mga palad o siya ay mapagbigay sa mga taong lumalapit sa kaniya.

Subalit kapag ang isang tao naman ay sobrang kuripot o makunat pa sa tikoy ang tawag naman sa kaniya ay “boksingero” dahil nakatikom ang kaniyang mga kamay.

Sa madaling salita ay hindi siya bukas palad sa pagbibigay ng anomang tulong para sa kaniyang kapuwa. Kung magbigay man siya, tiyak na dadaan muna ito sa napakahirap na proseso.

Ilan ba sa atin ang “generous” o mapagbigay sa kapuwa? Lalong lalo na kung ang ating bibigyan ay ang Panginoong Diyos mismo.

Hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga abuloy sa Simbahan kundi ang paglalaan mismo ng ating oras at panahon para sa ating Poong Maykapal.

Mababasa natin sa Mabuting Balita (Marcos 12:41-44) na habang nakaupo si Hesus sa tapat ng lalagyan ng mga kaloob sa loob ng Templo napansin niya na maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. (Mk. 12:41)

Ngunit lumapit naman ang isang biyudang mahirap at naghulog ng dalawang tig-sisingkwenta sentimo sa hulugan ng mga kaloob. (Mk. 12:43)

Kaya’t winika ni Hesus sa kaniyang mga Alagad na ang inihandog ng babaeng balo ay higit na marami kaysa sa inihulog ng mga mayayaman.

Kapag sumalanta ang isang mapamuksang kalamidad at kinakailangang magbigay ng donasyon para sa mga naging biktima ng nasabing sakuna minsan may mga nagbibigay ng kanilang donasyon, subalit ang ilan sa mga binibigay naman ay halos hindi mo na rin pakikinabangan.

Para lamang masabi na nagbigay sila. Kahit may mga punit ang ilang damit, pantalon o kumot ay binibigay pa rin nila. Ang pagbibigay ay hindi lamang basta kusang loob. Mahalaga rin na ang ating pagbibigay ay nagmumula sa ating mga puso.

Ang babaeng balo sa Ebanghelyo ay nagkaloob ng kaniyang donasyon sa Templo bagama’t barya lamang ito. Subalit sinabi ng Panginoong Hesus na ang kaniyang ipinagkaloob ay nakahihigit sa lahat.

Sapagkat hindi sa malaking halaga tumitingin ang ating Panginoon kundi sa sinseridad ng ating puso. Higit na kinalulugdan ng Diyos ang pagbibigay na nagmumula sa ating mga puso.

Kesa naman sa pagkakaloob na napipilitan lamang o kaya naman. Kaya lang tayo nagbibigay ay dahil hindi na natin ito kailangan at magkaloob man tayo ay hindi magiging mabigat para sa atin.

Dahil ang ating ipinagkakaloob ay sobra lamang ng ating kayamanan.

Inilalarawan lamang nito na hindi talaga bukal sa ating puso ang ating pagbibigay kundi dahil gusto lamang natin. Lalo na sa ating panahon at oras para sa ating Panginoong Diyos.

Minsan, ang dahilan natin kaya lang tayo nagsisimba ay dahil ito ang libreng oras natin. Katulad ng mga mayayaman ng nagkakaloob ng sobra lamang sa kanilang kayamanan.

Ganito ba talaga ang ating magiging pagtingin sa ating relasyon sa Diyos? Ang kaya lang ba natin ibigay ay ang mga bagay na sobra at hindi na natin kailangan. Hindi ba natin kayang magbigay ng nagmumula sa ating mga puso?

Tandaan lang natin na ang Panginoong Diyos ay napaka-generous. Sa sobrang galante ng ating Panginoon. Ibigay niya ng buong puso ang kaniyang bugtong na anak na si HesuKristo upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan.

AMEN

Inaanyayahan ko po kayong makinig sa aking radio program na “Ang Tinapay ng Buhay” sa DWRB 103.9 News FM at mapapanood din sa kanilang FB Page. Tuwing Sabado mula 8:00 hanggang 9:00 ng umaga. Maraming Salamat po.