bro marianito

Maghasik ng pag-ibig, huwag ng poot

318 Views

Maghasik tayo ng pag-ibig sa ating kapuwa katulad ng winika ni Hesus (Juan 15:12-17)

“Ito ang aking utos: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo”. (Juan 15:12)

KINAKAILANGAN sigurong magkaroon muna tayo ng isang bagay bago natin simulan ang pagbibigay. Halimbawa: Paano kang magbibigay at mamamahagi ng pagkain kung ikaw mismo ay wala kang kinakain?

Paano kang magbibigay at mamamahagi ng damit kung ikaw mismo ay halos wala kang maisuot? Hindi tayo makakapagbigay kung tayo mismo ay salat. Napaka-imposibleng makapagbigay tayo kung wala naman mapipiga sa atin.

Katulad halimbawa sa larangan ng pag-ibig, paaano tayo iibig at magmamahal sa ating kapuwa kung hindi natin mismo alam kung ano ang kahulugan ng “pag-ibig”?

Paano mo mamamahalin ang isang tao kung hindi naman nararamdaman ng puso mo ang magmahal? Ang sabi nga sa isang awitin: “Paano magmamahal ang isang may “Pusong Bato?”

Talagang hindi mo mabibigay ang isang bagay na ikaw mismo ay wala. Wala tayong maibabahaging pag-ibig sa ating kapuwa kung ikaw mismo ay hindi marunong magmahal at umibig. Kailangan muna tayong umibig kung nais nating maranasan ang pag-ibig ng ating kapuwa.

Hindi natin mauunawaan ang mensahe ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Juan 15:12-17) kung hindi natin alam ang kahulugan ng salitang pagmamahal o pag-ibig gaya ng winika niya sa mga Alagad.

Kung nais mo talagang maunawaan ang totoong kahulugan ng “pag-ibig o pagmamahal” ay kailangan mo itong simulan sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya. Sapagkat dito mo maiintindihan kung papaano nagsimula ang pag-ibig.

Nagsimula ang pag-ibig ng Panginoong Diyos sa lahat ng kaniyang nilalang nang likhain niya ang tao at lahat ng bagay na nakikita natin dito sa ibabaw ng mundo. (Genesis 1:31 at Gen. 2:25)

Hanggang sa sinugo niya ang kaniyang bugtong na anak na si HesusKristo upang iligtas at tubusin tayo sa ating mga kasalanan na mababasa natin sa Sulat ni San Juan.

“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa Sangkatauhan. Kaya’t ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak (Hesus), upang ang sinomang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak. Kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”. (Juan 3:16)

Kailangan muna nating makilala ng lubusan si Hesus kung nais natin maunawaan ang kahulugan ng pag-ibig. Kailangan muna natin siyang anyayahan sa ating buhay. Kung nais natin maramdaman kung papaano umibig gaya ng pag-ibig ni Kristo sa ating lahat. Matuwid man o hindi, makasalanan man o banal.

Sapagkat namutawi mismo sa bibig ng Panginoong Hesus ang mga salitang nagpapakita ng kaniyang labis na pag-ibig para sa atin. Ito ay ng wikain niyang: “Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan”. (Juan 15:13)

Hindi na natin kailangan pang higitan ang ipinamalas na pag-ibig ng Panginoong Hesus para sa ating lahat. Sa pamamagitan din ng pagpapakapako at pagkamatay sa Krus. Napaka-simple lamang ang dapat natin gawin para kay Hesus.

1. Ang pagtalikod natin sa lahat ng ating mga kasalanan, 2. Pagsuko ng ating buhay kay HesusKristo at pagtanggap sa kaniya bilang Panginoon at tagapagligtas, 3. Ang pagkakaroon natin ng isang malalim at matibay na pananampalataya sa kaniya, at 4. Ang pagbabahagi ng ating pag-ibig sa ating kapuwa.

Inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo na simulan natin sa ating mga sarili ang pagkakaroon ng pag-ibig. Kagaya ng pag-ibig ni HesuKristo para sa ating lahat.

Sa napakaraming suliranin na kinakaharap ng ating mundo kabilang na ang pagkakaroon ng digmaan, alitan ng bawa’t-isa at hindi pagkakaunawaan ng mga tao. Pag-ibig na lamang ang maaaring magbuklod sa atin.

Huwag natin hayaan ng lusawin ng galit ang pag-ibig na mayroon tayo sa ating mga puso. Ihasik natin ang ating pag-ibig sa ating kapuwa gaya ng winika ni Hesus sa Pagbasa. At huwag ang poot, galit at pagkamuhi.

AMEN