Calendar
Maging listo tayo!
AYAN na! Nag-umpisa na ang panahon ng pangangampanya para sa halalang pambansa na gagawin sa Mayo ng kasalukuyang taon. Ang ibig sabihin nito ay di tulad ng mga nakaraang araw, maari nang tahasang hingin ang inyong boto.
At sa ngayon pa lamang mayroon nang, diumano’y nangungunang kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo. Sa parteng ito ay di ko na aaksayahin pa ang inyong panahon sa mahabang pasakalye. Kung papaniwalaan ang iba’t ibang survey tulad ng sa Manila Bulletin, SWS atbp, nangunguna sina Bongbong Marcos para Pangulo, at si Sara Duterte para sa Pangalawang Pangulo. At hindi lang yan. Ngayon lang nangyari sa matagal na panahon na kung bukas gaganapin ang halalan ay mananaig ng mahigit sa 51% sina BBM at Sara!
At eto pa. Hindi lamang ang masa o taong balana – yung laging inaalipusta na “bobo” at kung anu-ano pang masasakit na salita – ang sumusuporta sa BBM – Sara. Malaki ang suporta na galing sa LAHAT ng antas ng kabuhayan. Sa totoo lang, sa pamantayang ito, ikinararangal ko ang bansag na “Bobo.”
Saan man sa Pilipinas, maliban na lang marahil sa Rehiyon ng Bikol na baluarte ni Leni Robredo, mistulang magiging tsunami ang magiging resulta ng halalan sa Mayo, pabor kina BBM at Sara. Ang ganitong saloobin ay mararamdaman hindi lamang sa media. Tanungin mo man ang mga taong balana sa lansangan, malamang sa hindi ay nakapagpasiya na sila ng pabor kina BBM at Sara. Magandang balita yan para sa mga kapanalig ng Team BBM-Sara.
Ngunit ibig bang sabihin nito ay tapos na ang boksing? Na victory party na lang ang hinihintay? Ang sagot diyan ay isang maanghang at malakas na HINDI!
Tandaan natin na may halos tatlong buwan pang nalalabi bago maghalalan. At tulad ng basketball, kahit gaano pa kalaki ang lamang ng inyong koponan, bilog ang bola. Posible mag rally at maka-disgrasya pa rin.
Papaano maaring maganap ang ganitong disgrasya?
Ang sagot? Sa maraming paraan, at sa iba’t ibang larangan. At may magagawa tayo upang labanan ang mga ito.
Unang-una ay ang pambubulabog o panggugulo sa mga prosesong administratibo na walang kinalaman sa halalan, tulad ng paghain ng iba’t ibang kaso sa COMELEC. Isang hudyat ito wala nang tiwala ang mga katunggali ng BBM-Sara sa kakayahan nilang manalo sa patas na halalan. Manalo man o matalo sila, kahit papaano ay maghahasik sila ng duda at matinding alinlangan na baka masayang lamang ang boto kay BBM. Sa kabutihang palad, kabaliktaran ang nangyayari dahil sa pagiging mapanuri ng taong bayan, at dahil na rin sa kasamaang asal ng mga pangunahing tumutuligsa kay BBM.
Pangalawa. Walang katapusang kampanya ng fake news sa social media tulad ng FB at Twitter. HIndi na ito bago, ngunit kailangan pa rin tayong maging mapag-matyag. Di natin dapat palampasin ang kahit isang fake news na mapanira sa ating kandidato. Sa ganitong paraan hindi lamang nasasagot ang fake news, bagkus ay malalaman pa ng kalaban ang dami, ang lakas, at ang tindi ng ating pagtaguyod at suporta sa ating kandidato. Ito ay dahil mino-monitor ng FB at ibang social media ang bilang at uri ng mga tugon sa fake news na kanilang kinakalat. Kaya mahalaga ang inyong mga emoji at “dislike” pangkontra sa fake news. Huwag natin itong palusutin.
Pangatlo, maghahasik sila ng kasinungalingan at intriga sa mga importanteng sangay ng pamahalaan: sa kasundaluhan, sa kapulisan, pari na sa mga guro na mangangasiwa sa mga presinto. Sari-saring intriga ang kanilang ikakalat upang siraan ang ating kandidato. Maghahasik sila ng intriga tulad ng walang-kamatayang “Patay na si kandidato X” o di kaya “Sumakabilang kampo si kandidato Y.”
Sanay at dalubhasa sa ganitong gawain ang kabilang panig, lalo na’t unti-unting nababawasan ang kanilang confianza na manalo si Leonor. Mangkukulam na lang siguro ang di pa nila nagagamit. Dalubhasa ang mga ito sa pag-hijack ng pasya ng sambayanan ngunit sa ibang kolum natin yan tatalakayin.
At oo nga pala, magaling din sila sa salamangka o pag-magic ng halalan tulad ng nangyari kay BBM noong 2016.
Sa taong kasalukuyan, sa halalang darating, maging mapag-matyag tayo. Huwag tayong mag-atubiling mag-reply o mag click ng “dislike” emoji sa anumang postings na sa tingin natin ay kasinungalingan o mapanira sa ating kandidato. Sa ganyang paraan ay napaparating ninyo sa mga nagpapamudmod ng fake news na hindi sila mananaig. Kung may naiisip pa kayong ibang paraan o taktika ng paninira, i-share po ninyo dahil mahalaga ito.
Hanggang dito na lang, maging mapagmatyag at mapanuri po tayo lagi. Huwag palampasin ang fake news at intriga. Maging listo tayo! Pagpalain tayong lahat ng Dakilang Bathala. Amping Kanunay mga higala.