bro marianito

Maging mabuti tayong puno para ang makakakita ng ating mabubuting gawa ay maging mabuting bunga (Mateo 7:15-20)

327 Views

“Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamangpuno. Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindimaaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno”. (Mateo 17:17-18 – Magandang Balita Biblia)

MARAMI ang nagsasabi na ibang-iba na daw ang mga kabataan ngayon. Napakalayo kumpara sa mga kabataan noong araw o maging sa kapanahunan natin. Sapagkat ang mga kabataan noon ay magagalang, napaka-pinong kumilos o hindi magaslaw at mayroong takot sa Diyos.

Ngunit nakakalungkot isipin na malaki na talaga ang pinagkaiba ng mga kabataan noon at sa kasalukuyang panahon. Ang mga kabataan ngayon ay masyado ng mapangahas, mapusok at wala ng kinatatakutan.

Ang lahat ng bagay ay sinusuong nila at napakalakas ng kanilang loob na makipagsapalaran. Hindi man lamang nila pinagiisipan kung ano ang magiging bunga nito sa kanilang kinabukasan. Ang mga halimbawa nito ay ang pakikipag-relasyon ng maaga o sa murang edad, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pakikipag-barkada at pagbibisyo.

Kaya hindi na nakakapagtaka kung marami sa mga kabataan ngayon ang maagang napapariwara, may ilan na hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral, nalulong sabisyo, nasa loob ng “drug rehabilitation center” dahil nalulong sa droga at nagdalantao sa murang edad.

Nakakapagtaka din kung bakit ganito ang kasalukuyang nangyayari sa ating mga kabataan. Gayong ang bansa natin ay isang bansang napaka-relihiyoso sapagkat napakarami ng relihiyon sa Pilipinas. Hindi lamang Katoliko, bagkos mayroon tayong iba’t-ibang religious congregation.

Subalit sa kabila ng sandamakmak na relihiyon sa Pilipinas, hindi pa rin nito napatino ang ilang pasaway na kabataan. Hindi naman lahat ng mga kabataan ay napapariwara at nagwawala. May

ilan din naman ang aktibo sa mga gawaing Simbahan at komunidad.

Gayunman, ang isa sa mga itinuturong dahilan at puno’t-dulo ng problemang ito ay ang “social media o internet”, sapagkat ang sabi ng ilang eksperto kitang-kita mo daw sa social media o internet ang buong mundo. Mabuti man o masama ang iyong matunghayan.

Kaya napakalaki ng impluwensiya ng social media o internet sa buhay ng mga kabataan. Sapagkat maaari mong “i-explore” sa social media ang lahat ng bagay.Mula sa mabuti hanggang sa pinaka-masama. Ito’y walang iba kundi ang mga “pornographic sites” na nabakukas para sa lahat ng wala man lamang “censorship o restrictions”.

Akmang-akmang ang usaping ito sa mensahe ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 7:15-20) tungkol sa winika ng ating Panginoong HesuKristo na nagsabing: “Mabuti ang bunga ng mabuting puno at masama ang bunga ng masamang puno”.

Tama man o mali, aminin natin sa ating mga sarili na ang lahat ng masasamang bagay na nakikita natin sa social media o sa internet ay nagbubunga din ng masama. Subalit ang lahat ng mabubuting bagay na nakikita natin ay namumunga rin ng mabuti.

Subalit ang masama nga lamang dito, kung ano ang masama ay iyon pa ang mas tinututukan ng ating mga kabataan. Hindi lamang sila kundi maging ang ilan sa atin. Alam na nga natin na hindi mamumunga ng mabuti subalit malakas pa rin ang loob natin na makipagsapalaran.

Gaya halimbawa ng pakikipag-flirt ng ilan sa atin sa Facebook (FB) gayong alam naman natin na pamilyado tayong tao. Ngunit ginagawa pa rin natin ang bagay naito, kahit alam natin na ito ay immoral at maaaring nitong sirain ang relasyon natin sa ating pamilya.

Kaya ang hamon ngayon sa atin ng Pagbasa ay magsilbi nawa tayong mabutingbunga upang magsilbi rin tayong

mabuti at magandang halimbawa para sa ating kapwa. Ang mabuting bagay na makikita sa atin ang magbubunga ng mabuti sa mga taong tumitingala sa atin.

Ano mang bagay na nakikita natin sa social media o internet ay maaari naman nating suriin at timbangin kung ito ba’y magbubunga ng masama mabuti para sa atin. Kaya nga tayo biniyayaan ng Panginoon ng utak at “wisdom” para malaman natin kung ano ang masama sa mabuti.

Bilang mga Kristiyano, magsilbi nawa tayo bilang ilaw ng Sanlibutan upang sa pamamagitan ng ating liwanag ay maliwanagan din ang ating kapwa. Partikular na para sa mga kabataan na naliligaw ngayon ng landas. Akayain natin sila sa pamamagitan ng ating liwanag. (Mateo 5:14-16)

Maililigtas natin ang ating mga kabataan mula sa kinasasadlakan nilang dilim.Kung tayo mismo na mga nakakatanda ang magsisilbing ilaw nila upang sila ay makalabas sa kadilimang iyon. Ang ibig sabihin: Maging mabuti tayong

puno para sila rin ay maging mabuting bunga.

MANALANGIN TAYO:

Panginoon naming Diyos, mapagsikapan po sana namin na maging mabuting puno para sa mga kabataan at sa aming mga anak. Upang sila rin ay maging mabuting mga bunga. Tulungan niyo po kami na makaiwas sa masasama para hindi kami maging masamang puno.

AMEN