bro marianito

Maglaan ng oras sa Panginoon, mahal sa buhay

264 Views

JesusIbigay din natin sa Diyos ang pinaka-maganda at mabuti dahil ang Diyos ay mapagbigay sa atin (Juan 12:1-11)

HABANG kapiling pa natin ang ating mga mahal sa buhay, ngayon pa lamang ay ipakita at iparamdam na natin sa kanila ang ating pagmamahal.

Sapagkat hindi na natin ito magagawang iparamdam sa kanila kapag sila ay namayapa na.

Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita (Juan 12:1-11).

Tungkol sa pagpunta ni Jesus sa Bethania, sa bahay ng kaniyang kaibigang si Lazaro, dahil isang hapunan ang inihanda para sa kaniya.

Habang kumakain si Jesus, si Maria naman ay kumuha ng bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo at ito’y ibinuhos sa mga paa ni Kristo.

Pagkatapos ay pinunasan niya ito ng kaniyang buhok. Subalit ito ay pinuna ni Judas Iscariote kung bakit hindi na lamang ipinagbili ang nasabing pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan.

Hindi naman ito winika ni Judas dahil siya ay nagmamalasakit sa mga dukha.Kundi dahil siya ay isang magnanakaw.

Ang ating Panginoong Diyos ay napaka-mapagbigay o “genereous” dahil ipinagkakaloob niya sa atin kung ano ang pinaka-mabuti o yung tinatawag na “the best”.

Ang ibig lamang nitong sabihin hindi tayo binabarat o tinitipid ng Panginoon kung ang pagbibigay ng mga biyaya ang pag-uusapan sapagkat nais niyang maging maligaya tayo kaya ang lahat ng mga bagay na kailangan natin ay ipinagkakaloob niya.

Hindi natin dapat tipirin o pagdamutan ang Diyos ng ating oras, panahon at maging ang ating mga tulong sa ating Simbahan.

Sapagkat sa pamamagitan lamang nito, maipapakita ang ating pagpapahalaga o “appreciation” sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Minsan, naglalaan lamang tayo ng oras sa Panginoon kapag wala tayong masyadong gagawin o libre ang ating oras.

Nagkakaroon lamang tayo ng oras sa Diyos kapag gusto lamang natin magsimba at magdasal.

Ngunit ang paglalaan lamang natin ng oras at panahon sa Panginoon ay bunsod lang ng kawalan natin ng gagawin. At hindi talaga ito sadyang nakalaan para sa kaniya.

Ang pagsasalarawang ito ay hindi nalalayo sa kuwento sa ating Ebanghelyo.

Sapagkat nais ni Judas Iscariote na tipirin ang Panginoong Jesus sa pagsasabing masyadong napaka-mahal ng pabangong ibinuhos sa kaniyang mga paa.

Maaatim ba nating ibigay sa Diyos ang tira-tira at pipitsugin gayong ibinigay niya sa atin kung ano ang pinaka-mabuti at mainam?

Tulad halimbawa na kaya lamang tayo magsisismba ay dahil wala naman tayong masyadong pagkaka-abalahan o gagawin.

Sa ganitong siste, may pinag-kaiba pa ba tayo kay Judas Iscariote na ang nais niyang mangyari ay kung ano ang mura at makakatipid ay iyon na lamang ang ibigay sa Panginoong Jesus na anak ng ating Diyos?

Kaya naman winika ni Jesus kay Judas na “Pabayaan si Maria na ilaan ang mga iyon dahil habang panahon ay kasama niyo ang mga dukha, ngunit ako’y hindi niyo kasama habang panahon”. (Juan 12:7-8)

Itinuturo din sa atin ng Pagbasa na habang kapiling pa natin ang ating mahal sa buhay ibigay na natin sa kanila ang lahat ng mabuti partikular na ang paglalaan ng oras para sa kanila dahil hindi natin masasabi kung kailan magwawakas ang buhay ng isang tao.

Ngayong panahon ng pandemya, marami sa ating mga kakilala at mahal sa buhay ang pumanaw dahil sa COVID-19.

Subalit may ilan atin ang hindi man lamang nakita kahit sa huling sandali ang ating mga kamag-anak at kaibigan na yumao dahil sa sakit na ito.

Habang sila ay nakakausap pa natin gawin na natin ang lahat ng ating magagawa para maiparamdam at maipakita natin sa kanila ang ating pagmamahal.

Manalangin Tayo:

Panginoong Jesus.Sana turuan mo kaming maglaan ng oras para sayo at sa aming mga mahal sa buhay.

Nawa’y matutunan namin ang paglalaan ng oras at panahon para sayo dahil ikaw ay aming iniibig.

AMEN