Calendar
Magpatawad tayo tulad ng Panginoon
Pinatawad tayo ng Panginoon sa marami natin kasalanan. Pero hindi naman tayo marunong magpatawad sa maliit na kasalanan ng ating kapuwa (Mateo 18:21-35)
“Lumapit si Pedro at nagtanong kay Hesus. Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkasala sa akin? Pitong beses po ba? Sinagot siya ni Hesus, “Hindi pitong beses. Kundi pitumpung ulit na pito”. (Mateo 18:21-22)
MINSAN nagkaharap kami ng aking kaibigan at naitanong ko sa kaniya kung bakit parati siyang may sukbit na baril sa kaniyang baywang? Sinabi niya sa akin na mas mainam na daw ang sigurista at mahirap na aniyang maunahan ng kalaban.
Pinayuhan pa nga ako ng aking kaibigan na kailangan ko din umanong magdala o magsukbit ng baril bilang proteksiyon. Dahil ang paliwanag niya, sa panahong ito ay hindi natin kilala kung sino ang ating kalaban at kung sinoman ang ating kakampi.
Maaaring tama ang winika ng kaibigan ko, ngunit ipinaliwanag ko sa kaniya na nag-iingat din ako kaya mayroon din akong dalang proteksiyon sa aking bulsa. Tinanong niya ako kung ano daw Kalibre ng baril ang bitbit ko? Inilabas ko sa aking bulsa ang aking armas.
Subalit bigla siyang natawa, sapagkat ang ipinakita ko sa kaniya ay isang Rosaryo. Kasunod ng aking paliwanag na mas makapangyarihan kahit sa anomang armas ang Rosaryo. Sinabi ko sa kaniya na hindi baril ang solusyon sa anumang problema kundi ang “panalangin”.
Ano na lamang ang mangyayari sa isang lipunan kung ang gagamitin nating solusyon sa anumang hindi pagkakaunawaan ay ang sandata o baril? Baril ba ang ating gagamitin laban sa ating kapatid na hindi natin mapatawad sa kaniyang naging kasalanan sa atin?
Mahihinto lamang ang pamamayagpag ng karahasan at ang tinatawag na “culture of violence” kung makukuha nating magpatawad sa mga taong nakasakit sa atin. Sa halip na pairalin natin ang prinsipyo ng “mata sa mata” at “ngipin sa ngipin”.
Kaya itinuturo sa atin ngayon ng ating Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Mateo 18:21-35) ang pagpapatawad sa mga taong nakagawa sa atin ng kasalanan. Kung nais natin na mapatawad din tayo ng ating Amang nasa Langit para sa ating mabibigat na kasalanan sa kaniya.
Marami ang nagsasabi na ang pagpapatawad sa mga taong nakasakit sa atin ang isa sa napakahirap gawin. May nagsasabi pa nga na, “Kung ang Diyos ay marunong magpatawad. Ako hindi”.
Marahil ay totoo nga na mahirap talagang magpatawad sa mga taong may mabigat na kasalanan sa atin. Ngunit, halimbawang ilalagay natin ang ating sarili sa katayuan ng Diyos. At sabihin din ng Panginoon sa atin na mahirap din niya tayong mapatawad.
Dahil sa patong-patong at walang tigil na pagkakasala natin. Hindi lamang isang maliit na kasalanan, kundi mabibigat na kasalanan gaya ng pagnanakaw, pagpatay, pakiki-apid, pangangalunya, panloloko ng kapuwa, pang-aapi at marami pang iba.
Subalit magkagayunman, mabibigat man ang ating mga naging kasalanan at atraso sa ating Panginoong Diyos. Hindi parin siya nagsasawang magpatawad at umunawa sa ating mga naging kahinaan.
Katulad ng Hari sa Ebanghelyo na nagpatawad sa atraso ng kaniyang lingkod. Kahit napakalaki ng pagkaka-utang nito ay iginawad parin niya ang pagpapatawad para sa kaniya. (Mateo 18:25-27)
Nahabag ang Hari kaya siya ay pinalaya. Ganoon din ang ating Panginoon, kahit gaano pa kabigat ang ating kasalanan, nakahanda parin magpatawad ang Diyos para sa ating mga kasalanan. (Mateo 18:27)
Ngunit ang pagapapatawad ay igagawad lamang ng Panginoon sa atin. Kung marunong tayong magsisi sa ating mga nagawang pagakaksala at ang pinaka-mahalaga ay kung marunong din tayong magpatawad para sa mga taong nakagawa din ng kasalanan sa atin.
Katulad ng lingkod sa Pagbasa, hindi niya pinatawad ang kapuwa niya lingkod na mayroon lamang maliit na pagkakautang sa kaniya. Samantalang ang milyon-milyon pisong pagkaka-utang niya ay pinatawad ng Hari kasunod ng pagpapalaya sa kaniya. (Mate 18:28-29)
Minsan, hindi rin natin tayo marunong mapatawad ng ating kapuwa na mayroon lamang maliit na pagkakasala o atraso sa atin. Habang halos manikluhod tayo sa Diyos para patawarin tayo sa patong-patong at mabibigat na kasalanan natin.
Ang lagi nating naaalala ay ang maliit na kasalanan ng ating kapuwa. Samantalang nakakalimutan naman natin na pinatawad din tayo ng Panginoong Diyos sa lahat ng mortal na kasalanan na nagawa natin.
Marahil ang lahat ng nakasulat sa “Ten Commandments” ay nalabag na natin at maaring humigit pa. Gayunman, nagawa parin ng Diyos na mapatawad tayo, kaya inaasahan din niya na magagawa din natin magpatawad sa ating kapuwa.
AMEN