DAR

Magsasaka binigyan pagkakataon magsuplay ng produkto sa ospital

Cory Martinez Aug 27, 2024
70 Views

DAR1PUMIRMA ng kasunduan ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Bicol Medical Center (BMC) para mabigyan ang mga magsasaka ng pagkakataon na magsuplay ng kanilang produkto sa ospital.

Ayon kay Renato C. Bequillo, DAR agrarian reform chief sa Camarines Sur II, 3,000 pasyente at empleyado ng BMC ang makikinabang mula sa produktong agrikultura na ipo-produce ng mga agrarian reform beneficiary.

Sa ilalim ng kasunduan, bibili ang ospital ng gulay, root crops at ibang produkto mula sa tatlong farmer organizations sa lalawigan.

Hindi lang makakatulong sa mga magsasaka ang naturang inisyatibo kundi masisiguro din ang regular na suplay ng abot-kaya at sariwang pagkain, ayon sa opisyal.

Binigyang-halaga ni Dr. Ronnie Gregorio B. Gigantone III, BMC Medical Chief, ang kolaborasyon para sa pagresolba sa pangangailangan ng ospital.

“With 1,300 beds and another 300 in the pipeline, we need a daily supply of agricultural products to feed our patients and staff. Our 3,000 employees create a large market that can significantly benefit our local farmers,” ani Gigantone.

Noong 2022 bumili ang BMC ng halagang P1.4 milyon na produktong agrikultura sa pamamagitan ng katulad na kasunduan. Ipinalalagay ni Gigantone na pawang makikinabang ang mga magsasaka at BMC sa panibagong kasunduan.

Ang tatlong organisasyon ng mga magsasaka na magsusuplay ng kanilang produkto sa naturang ospital ang Panicuason Farmers Association, Siembre Agrarian Reform Beneficiaries Organization at May-Ogob Agrarian Reform Cooperative.

“Our farmers will receive fair prices for their products as BMC coordinates directly with them on food requirements and delivery logistics,” ani Bequillo.

Paliwanag ni Bequillo na ang kasunduan bahagi ng 9-point agenda ng DAR na naglalayong mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng kolaborasyon ng mga ahensya ng gobyerno at ng pribadong sektor.

Ang kasunduan bahagi ng Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) Program, isang inisyatibo ng pamahalaan na inilunsad noong 2016 upang mabawasan ang kaso ng gutom at kahirapan sa buong bansa.