Magsino

Magsino: 5 araw na state visit ni PBBM sa US, UK magbubunga ng maganda para sa PH katulad ng isang punong hitik sa bunga

Mar Rodriguez May 7, 2023
256 Views

KATULAD ng isang punong hitik sa bunga. Ganito nakikita ng One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes ang magiging resulta ng matagumpay na limang araw na official state visit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. Sa Estados Unidos (US) at United Kingdom (UK).

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na malaking pakinabang o benepisyo ang idudulot hindi lamang para sa mga Pilipino kundi maging sa mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) ang limang araw na state visit ng Pangulong Marcos, Jr. Sa Amerika at UK.

Ipinaliwanag ni Magsino na ito ay dahil sa inaasahang pagpasok ng maraming foreign investors at mga dayuhang negosyante na maglalagak ng puhunan at magtatayo ng mga negosyo sa Pilipinas. Bunsod narin ng ginawang panghihikayat sa kanila ng Pangulo.

Binigyang diin ng kongresista na katulad ng isang punong hitik sa bunga. Ganito rin aniya ang inaasahang mangyayari para sa bansa dahil sa pagpasok ng maraming negosyo at malaking puhunan na lalong magpapa-angat sa ekonomiya ng Pilipinas at pagkakaroon naman ng maraming trabaho at oportunidad para sa mga Pilipino bunsod ng mga kompanyang magtatayo ng kanilang mga negosyo sa Pilipinas.

Bukod dito, sinabi pa ni Magsino na hindi lamang sa larangan negosyo at puhunan ang magkakaroon benepisyo ang state visit ni Pangulong Marcos, Jr. bagkos magkakaroon din ito ng magandang epekto para sa “bilateral relations” o magandang ugnayan at pagkakaibigan ng Amerika, UK at Pilipinas dahil makikinabang din dito ang mga OFW’s. Sapagkat maraming Pilipinong manggagawa sa US at UK.

“Malaking pakinabang para sa ating mga OFW’s ang naging state visit ng ating Pangulo sa US at UK dahil mapapanatili nito ang magandang ugnayan ng ating bansa sa mga pinuno ng dalawang bansa na kinalalagyan ng ating mga OFW’s. Ang maayos na relasyon at bukas na komunikasyon sa pagitan ng Pilipinas, US at UK ay makakatulong sa pagtitiyak ng karapatan at kapakanan ng ating mga OFW’s sa mga nasabing bansa,” ayon kay Magsino.

Idinagdag pa ng OFW Lady solon na inaasahang makakapag-generate o makakalikom din ng bilyong dolyares sa kaban ng pamahalaan ang pakikipag-usap ng Pangulo sa mga dayuhang negosyante. Sa pamamagitan ng mga foreign investments pledges na nagkakahalaga ng USD 1.3 bilyon na magreresulta sa 6,700 na mga bagong trabaho para sa mga Pilipino.