Calendar

Magsino hinimok si PBBM na maglatag ng bagong polisiya para sa deployment ng mga OFWs sa bagong host country
HINIHIMOK ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang makapaglatag ang pamahalaan ng isang malinaw at konkretong polisiya para maisa-ayos ang napipintong deployment ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bagong host country.
Sabi ni Magsino na batay sa ulat ng Department of Migrant Workers (DMW), mayroong mataas na demand para sa mga OFWs na magta-trabaho sa bansang Malta bilang mga caregiver, cook, waiter, machine operator, accountant, salesperson at bus driver.
Ayon sa mambabatas, ang sahod para sa mga Pilipinong manggagawa ay nagkakahalaga ng P64,000 hanggang P250,000. Samantalang nag-aalok naman ang bansang Albania ng tinatayang 20,000 trabaho para naman sa sektor ng mga nurse, doktor at iba pang nagta-trabaho sa Ospital.
Pahayag ni Magsino na bagama’t magandang senyales ang pagkilala sa kasipagan ng mga Pilipino, kinakailangang maglatag ang gobyerno ng isang malinaw na patakaran para sa maayos na proseso ng deployment ng mga OFWs patungo sa nasabing bagong host country.
“Hindi lang oportunidad ang hinahanap natin. Kundi mga host country na may malinaw na commitment sa karapatan ng mga manggagawa. Kung talagang kinikilala nila ang husay ng mga Pilipino, dapat handa rin silang tumindig para sa patas na labor practice,” wika nito.
Nanawagan din ang kongresista sa DMW na agad na makipag-ugnayan sa mga bansang tulad ng Malta at Albania upang matiyak na ang mga alok na trabaho ay may sapat na proteksiyon at mekanismo ng tulong para sa mga OFWs.
Ipinahayag pa ni Magsino ang pangangailangan para sa mas matibay na regulasyon sa labor migration at masusing pagsusuri sa mga bansang pinadadalhan ng mga Pilipinong manggagawa upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ani Magsino: “Hindi lahat ng trabaho ay ligtas, at hindi lahat ng mataas ang sahod ay may dignidad. Ang tagumpay ng labor migration ay hindi lamang nasusukat sa dami ng trabaho. Kundi sa dignidad at kaligtasan ng bawat OFW.”
To God be the Glory