Magsino

Magsino ikinagalak pagbabalik sa bansa ni Veloso

Mar Rodriguez Dec 19, 2024
47 Views

NAGPAHAYAG ng kagalakan si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino matapos makauwi na ng bansa ang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Jane Veloso kasunod ang pagpapaabot nito ng taos pusong pasasalamat para kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa tulong at suporta na ibinigay ng administrasyon nito upang ma-proseso ang matagumpay na pagpapalaya kay Veloso.

Ayon kay Magsino, ang pagbabalik Pilipinas ni Veloso ay simbolo ng malasakit at pagmamahal ng gobyerno para sa lahat ng mga OFWs partikular na ang mga Migrant workers na nahaharap sa mabigat na suliranin sa ibayong dagat katulad ng naging kalalaran aniya ni Mary Jane sa Indonesia na nakulong ng napakahabang panahon.

Ipinaabot din ni Magsino ang marubdob na pasasalamat sa administrasyong Marcos, Jr. dahil sa ipinakita nitong malasakit at tulong para maisakatuparan ang matagumpay na pagbabalik ni Veloso sa tulong narin ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Ipinahayag din ng kongresista ang patuloy na paninindigan ng OFW Party List sa Kamara de Representantes upang isulong ang kapakanan at kagalingan ng mga OFWs na nakikipag-sapalaran aniya sa ibang bansa para lamang mabigyan nila ng kaginhawahan ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Magsino na ang masaklap na kuwento ng pagkakakulong ni Veloso ay ilan lamang sa mga kuwentong kinakaharap ng iba pang OFWs na may kahalintulad na kaso na nangangailangan ng kalinga at proteksiyon laban sa pang-aabuso at kawalan ng hustisya.

“Bilang kinatawan ng OFW Party List. Patuloy kaming maninindigan para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Ang kuwento ni Mary Jane ay paalala na marami pa sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng kalinga at proteksiyon laban sa pang-aabuso at kawalan ng hustisya. Sa wakas ay nakauwi na si Mary Jane para makasama ang kaniyang pamilya matapos ang mahabang panahon ng kaniyang pagkakakulong,” wika ni Magsino.